Salvador MOA–Nagpirmahan ng memorandum of agreement sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong (kaliwa) at San Jose City Mayor Mario Salvador para paunlarin ang turismo, kalakalan at agrikultura sa dalawang siyudad.

Baguio, San Jose mag-utol na

August 26, 2023 People's Tonight 175 views

SAN Jose City–Lumagda ng sisterhood agreement ang bayang ito at ang Baguio City para palakasin ang kooperasyon at pagkakaibigan sa pagbabahagi ng kanilang “best practices” sa larangan ng agrikultura, turismo, kultura at paghahanda sa kalamidad, bukod sa iba pa.

Pinangunahan nina San Jose City Mayor Mario “Kokoy” Salvador at Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong ang paglagda ng memorandum of agreement sa Baguio Convention Center noong Miyerkules, Agosto 23, 2023.

Kasama ni Salvador sa MOA-signing event ang kanyang anak na si Vice Mayor Alexis “Ali” Salvador, City Councilor Luz Naboye, Indigenous People’s Mandatory Representative, city tourism officer Darmo Escuadro at iba pang opisyal ng city hall.

Malugod na tinanggap si Salvador at ang kanyang grupo ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Sinabi ng alkalde ng Baguio na pamilyar siya sa San Jose City dahil nakatira siya katabing bayan ng Pantabangan noong siya’y pulis pa.

Matapos mapanood ang biswal na presentasyon tungkol sa Lungsod ng San Jose, ikinatuwa ni Magalong ang antas ng pag-unlad sa lungsod kumpara noong nakaraang panahon noong siya ay dumadaan pa dito.

Ipinakilala din sa San Jose City ang “Smart City Development Project” ng Baguio City na naglalayong gamitan ng “artificial intelligence” ang iba’t ibang larangan ng operasyon para mapabuti ang paghahatid ng serbisyo at pamamahala sa siyudad na tinaguriang summer capital ng bansa.

Sinabi ni Magalong na maaari nilang ibahagi ang kanilang karanasan kaugnay ng kanilang “Smart City” project sa San Jose City kapag handa na ito para dito.

AUTHOR PROFILE