Lim Si LTO-NCR Asst. Regional Director Hanz Lim. Kuha ni JUN I. LEGASPI

Bagong LTO-LO sa Centris, binuksan na

June 7, 2023 Jun I. Legaspi 730 views

ISA pang Licensing Office (LO) ang binuksan ng Land Transportation Office (LTO) nitong Miyerkules, ayon sa mataas na opisyal ng ahensiya.

Sinabi ni Hanz Lim, assistant regional rirector ng LTO-National Capital Region (LTO-NCR), na ang pagbubukas ng pinakabagong LO ng ahensiya na matatagpuan sa Centris/Eton Mall sa kanto ng EDSA at Quezon Avenue ay tugon sa panawagan ng publiko para sa “mas mabilis, kumbiyente at madaling puntahang” opisina ng LTO na kukuha ng bagong driver’s license at renewal.

Ito ay tugon din sa kautusan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista na gumawa at magsagawa ng mga bagong pamamaraan ng serbisyo ang LTO para mas higit pang mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao lalo na nga’t ang driver license ay “pangunahing kailangan” ng mga Pilipino, saad ni Lim.

Sa interview, sinabi ni Lim na pangunahing binibigyan pansin ang pagbibigay ng driver’s licenses sa mga overseas Filipino workers (OFWs) lalo na yung mga paalis ng bansa.

Sa utos na rin ni LTO Officer-in-Charge (OIC) Hector Villacorta at LTO-NCR Regional Director Rox I. Verzosa III, lahat ng mga OFW na kukuha, kumukuha at nagre-renew ay mabibigyan ng Plastic Driver’s Licenses bago umalis ng bansa, saad ni Lim.

Sa pagbubukas ng nasabing LO, ipinakita ni Lim kung paano at gaano kabilis ang pagproseso ng driver’s license at tumagal lamang ito ng halos sampung minuto.

Ayon kay Lim, nakakagandang lugar ang Centris/Eton Mall bilang opisina ng LTO dahil madaling makita, puntahan, kahit anong public transport puwedeng sakyan, kumbiyente, walang “fixer,” presko at maaliwalas sa loob opisina ng LTO, bukod pa sa mga palakaibigang mga empleyado ng ahensiya.

Sa ginawang simpleng ribbong cutting, binati ni Atty. Esteban Baltazar, Executive Director ng LTO, si Verzosa sa matagumpay na paggiya nito sa LTO-NCR, at sinabi na nasa mabuting pangangalaga ang ahensiya.

Tiniyak din nito na ginagawa ng liderato ni Bautista at Villacorta ang mga tamang pamamaraan upang maisagawa ang mabilis na pagpapatupad ng pag-iisyu ng PDL (professional driver’s license) gayun din ang isyu sa plaka at mas higit pang mabuting serbisyong ibibigay sa publiko.

AUTHOR PROFILE