Default Thumbnail

AWOL na parak swak sa selda sa panunutok

July 8, 2023 Zaida I. Delos Reyes 199 views

ARESTADO at naghihimas na ng malamig na rehas ang isang AWOL (Absence Without Official Leave) na pulis dahil sa panunutok ng baril sa isang ginang sa Brgy. Wawa, Nasugbu, Batangas noong Biyernes.

Nakilala ang suspek na John Urcia, dating pulis na may ranggong corporal, nasa hustong gulang, binata.

Napag-alaman na dating miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Urcia.

Batay sa ulat ng CALABARZON Police, tinutukan ng baril ni Urcia si Rosamia Paredes, 38, ng Miralles Subdivison, Brgy. Wawa, Nasugbu, Batangas.

Ayon sa report, tinutukan ng baril ng suspek si Paredes nang dumating ito sa kanyang lugar dakong 11:30 ng gabi.

Ayon sa ginang, natakot siya nang tutukan ng baril ng suspek na nagpakilala pang pulis na nakatalaga sa Nasugbu Municipal Police Station.

Agad na rumesponde ang mga tunay na pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa AWOL na pulis.

Nakumpiska mula kay Urcia ang isang cal. 38 revolver na may apat na bala.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, grave threat at usurpation of authority si Urcia.