Aubrey Aubrey Caraan at Lance Carr

Aubrey, Lance bagong tambalang maghahatid ng kilig

April 5, 2025 Eugene E. Asis 111 views

NAIBA na ang landscape ng panonood ngayon, lalo na sa mga kabataan. Muling napatunayan ni Boss Vic del Rosario ng Viva bilang isang visionary na ang online ay isang powerful platform para sa kanyang mga entertainment projects tulad ng mga drama series.

Pagkatapos mag-hit ng ‘Ang Mutya ng Section E’ nina Andres Muhlach at Ashtine Olviga, heto’t sunud-sunod na ang mga drama series na inihahandog ng Viva One.

Inaasahang maghahatid rin ng kilig at good vibes ang adaptation ng Wattpad series na“Avenues of the Diamond” na pagbibidahan naman ngayon ng mga bagong mukhang sina Aubrey Caraan at Lance Carr.

Ito ang ikaapat na installment sa hit Wattpad saga ni Gwy Saludes na “University Series.” Mapapanood na ito sa Viva One ngayong April 11, 2025 mula sa direksyon ni Gino Santos.

Matapos ang tagumpay ng “The Rain in España,” “Safe Skies, Archer” at “Chasing in the Wild”, patutunayan ng bagong kabanatang ito na kahit ang galit sa puso ay maaaring maging pagmamahal.

Si Aubrey Caraan ay gaganap bilang Samantha, isang mabait at palakaibigang Communication student mula sa Ateneo de Manila University. Ngunit sa kabila ng pagiging masayahin ay isang pusong takot magtiwala at magpakita ng tunay na damdamin.

Sa kagustuhang makatakas sa kanyang toxic na pamilya, papayag siya sa isang arranged marriage dahil naniniwala siyang ito ang daan para magkaroon siya ng kalayaan.

Si Lance Carr naman ay gaganap bilang Clyden, isang matalino at masipag na Medicine student mula sa University of the Philippines na palaging sumusunod sa kagustuhan ng kanyang mga magulang para sa kanyang kinabukasan.

Sina Aubrey bilang Samantha at Lance bilang Clyden ay mapipilitang magpakasal dahil sa kanilang mga magulang. Pero walang balak si Clyden na seryosohin ang kasunduang kasal kay Sam, lalo pa at hindi niya ito gusto dahil siya ay anak ng isang tiwaling opisyal.

Kahit na hindi sila magkasundo, mapipilitan silang magsama sa iisang bubong bago ang kanilang kasal – at makikita nilang marami silang pagkakaiba.

Ngunit habang tumatagal, unti-unti silang magkakalapit hanggang sa tuluyang mahulog ang loob nila sa isa’t-isa. Ang kanilang kasal na dating kasunduan lamang ay pareho na nilang gustong gawin.

Masusubukan ang kanilang pagmamahalan dahil sa problema ng kanilang pamilya at sa kanilang sariling ambisyon. Magtutulak ito sa kanila para gumawa ng mahirap na desisyon tungkol sa kanilang relasyon.

Sa pag-usad nila sa kani-kanilang buhay at karera, isang tanong ang mananatili: matututo ba silang ipaglaban ang kanilang pag-ibig?

Si Lance ay dating housemate sa “Pinoy Big Brother: Otso.” Napanood siya sa mga Kapamilya series na “Bawal Lumabas: The Series,” “Beach Bros,” “Drag You & Me” at “Dirty Linen.”

“I’m so excited to give justice to the role. I feel honored to be one of the leading men ng University Series kasi sobrang sikat po niya. Ang daming nag-aabang kung sino’ng gaganap as Clyden so I’m very honored na nagtiwala ang Viva, nagtiwala ang management sa akin to portray the role of Clyden,” komento ni Lance.

Una namang nakilala si Aubrey bilang isang mahusay na singer sa Viva Records pero natuklasang mahusay din siyang aktres.Si Aubrey ay former member ng girl group na Pop Girls, at nakasama sa mga pelikulang “Indak,” “Ang Manananggal na Nahahati ang Puso,” “Tropang Torpe,” “Kalye Kweens”, at “Nanay, Tatay.”

“I’m really grateful for Viva for this project. I feel blessed being part of this University Series. I feel happy. Being part of this, nagkaroon ako ng recognition sa iba. Mas naappreciate ako ng tao bilang artist.

“Very special ’yung role ni Sam kaya kailangan mabigyan ko siya ng justice,” sabi pa ni Aubrey.

Magiging malaking suporta si Claudine Barretto sa serye, kasama sina Bobby Andrews bilang mga magulang ni Sam, habang si Abby Bautista naman ang gaganap bilang si Naomi, ang half-sister ni Sam.

Matapos idirek ang pangalawang installment na “Safe Skies, Archer”, muling nagbabalik si Gino Santos sa series bilang direktor. Ang kanyang pagbibigay-buhay sa “Avenues of the Diamond” ay tiyak na magdadagdag na naman ng isang hindi malilimutang chapter sa “University Series.”

AUTHOR PROFILE