Vilma

ATE VI, NAPASO SA PAGPU-PRODUCE

February 20, 2023 Vinia Vivar 395 views

Nakakatuwang pakinggan ang mga kwento ni Star for All Seasons Vilma Santos sa kanyang anim na dekadang journey sa industriya sa pamamagitan ng isang two-part TV special na ibinigay sa kanya ng ABS-CBN bilang pagpupugay at selebrasyon ng kanyang anniversary.

May titulong Anim na Dekada… Nag-iisang Vilma hosted by Boy Abunda, napanood ang TV special nitong Sabado at Linggo.

Isa sa mga kwento ni Ate Vi ay kung paano nagkandaubus-ubos ang pera niya nang subukan niyang magtatag ng produksyon (VS Films) at mag-produce ng mga pelikula noong 1978.

Nakaapat na pelikula raw siya at ang huli nga ay ang award-winning film na Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak na pinagbidahan nila ni Bembol Rocco.

Pagbabalik-tanaw ni Ate Vi, nalugi siya at nagka-ubus-ubos ang pera niya habang ginagawa nila ang Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak dahil three years ito in the making.

“Naubos ang pera ko, kumuha ako ng pera, nag-advance ako ng pera sa Regal (Films), nag-advance ako ng pera sa Viva (Films) para itaya ko du’n dahil three years in the making nga.

“Hindi pa natatapos, wala na akong pera. Utang na ako, utang. Puro utang na. Gagawin ko pa lang ‘yung pelikula sa Regal at sa Viva, wala nang ibabayad sa ‘kin dahil in-advance ko na just for that movie,” kwento ni Ate Vi.

Pero nang ipalabas nga raw ito sa mga sinehan ay hindi ito kumita kaya ang laki ng nalugi sa kanya.

“It didn’t make money but it gave me prestige. It gave prestige to my VS Films. Napakaganda kasi nu’ng pelikula, sa totoo lang,” aniya.

“Si Bembol Rocco ang leading man du’n. Nu’ng umpisahan namin ‘yung pelikula, may buhok pa si Bembol. Bago matapos ang pelikula, kalbo na si Bembol,” natatawang pagbabalik-tanaw pa ni Vilma.

Isa pa raw sa mga dahilan kung bakit siya nalugi ay mismanagement.

Naloko raw siya na iniikot na sa buong probinsiya ang pelikula pero hindi niya alam at hindi na sa kanya napupunta ang kita.

“So, ‘yung lahat ng pinagtrabahuhan ko, inutang ko, at the end of the day, bago nalaman ko, ang dami ko na palang utang, may demanda pa ako sa BIR (Bureau of Internal Revenue),” pagre-recall ni Vi.

“That was isa sa pinaka-lowest point ng buhay ko. When I was financially back to zero,” patuloy niya.

Pati raw ang bahay na tinitirhan niya ay muntik pang makuha ng bangko.

Bale ba ay buntis daw siya kay Luis Manzano nang mangyari ‘yun kaya isa rin sa fears niya ay baka hindi na siya tanggapin pa ng mga tao pagkatapos niyang manganak.

Pero ipinaubaya na lang daw niya kay Lord at nagdasal na lang siya.

“Ang sikreto at kaya ako naka-survive, acceptance. Tinanggap ko na ito ang sitwasyon ko ngayon at tatatrabahuhin ko ang mga pelikulang ito na kinuhanan ko ng tigwa-walong pelikula, Viva at Regal, not a single centavo on my palm,” tsika ni Ate Vi.

Kaya tinanggap daw niya ang Vilma TV show para naman may panggastos siya araw-araw dahil ang kinikita niya sa pelikula ay diretso sa bangko para ibayad sa utang.

Pero siyempre, nakabawi rin naman siya nang bonggang-bongga later on.

Hindi na muling sinubok pa ni Ate Vi ang pagpu-produce lalo pa nga’t nag-focus na rin siya sa politics.

AUTHOR PROFILE