DENR

App for biodiversity ilulunsad ng DENR

March 11, 2024 Cory Martinez 99 views

ISANG mobile game application na tinatawag na Animal Town ang inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para hikayatin ang publiko na maging interesado sa biodiversity.

Katuwang ng DENR sa paglulunsad ng mobile game app ang Biodiversity Finance Initiative (DENR-UNDP BIOFIN) ng United Nations Development Programme (UNDP); DENR- Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB) at Forest Foundation Pilippines (FFP).

Ayon kay Anabelle Plantilla, DENR-UNDP BIOFIN Philippines Country Manager, sinimulan ang pag-develop ng naturang mobile game noon pang 2019.

Isang real world test upang malaman kung ang isang free-to-play mobile games na may in-app purchases ay maaaring pagkuhanan ng pondo para sa pangangalaga ng kapaligiran, ayon Kay Plantilla.

Batay sa record, mayroong 30 milyong gamers sa Pilipinas at 12 milyon dito ang gumagastos ng P700 kada app at PC game sa pamamagitan ng pag-download ng apps.

Sinabi naman ni DENR Secretary Antonia Yulo-Loyzaga na mayroong 46 milyon na registered mobile app users sa Pilipinas kaya’t kahit maliit na percentage lamang dito ng paying gamers ay malaking tulong na para sa conservation initiative ng bansa.

Ayon kay Loyzaga, pamamahalaan ng FFP ang pondo na malilikom dito samantalang ang DENR naman ang tutukoy ng mga programa para sa pangangalaga ng kapaligiran na susuportahan ng Animal Town.

Tiniyak naman ni FFP Executive Director Atty. Jose Andres Canivel na iingatan nila nang husto ang pamamahala sa pondo na malilikom mula sa Animal Town at gagamitin ito ayon sa Philippine Biodiversity Strategy and Action Plan (PBSAP).

“We also commit to maintaining transparency in reporting the utilization of the funds to our valued players and partners,” dagdag pa ni Canivel.

Paliwanag ni Lord Gosingtian, developer ng Animal Town app, ang naturang mobile game ay isang chill-paced animation game na kung saan maaaring magtayo at mamahala ng isang maliit na bayan ng mga hayop.

Maaari din gamitin ng mga paaralan at unibersidad ang naturang app upang matutunan nila ang usapin hinggil sa biodiversity sa pamamagitan ng nakakaaliw at interactive na paraan.

Nilalayon din ng Animal Town na magbigay ng inspirasyon sa bagong henerasyon na matutunan ang usapin hinggil sa wildlife sa Pilipinas.

AUTHOR PROFILE