Default Thumbnail

Any reaction, Sen. Dick Gordon?

December 21, 2021 Paul M. Gutierrez 402 views

PaulANG No Contact Traffic Apprehension (NCTA) ay isang polisiya na gumagamit ng CCTV, digital cameras at iba pang teknolohiya upang hulihin ang mga sasakyang lumalabag sa batas trapiko.

Kapag nakuhanan ng kamera ang iyong sasakyan, kahit sino pa ang nagmamaneho nito ay multa ang aabutin ng may-ari ng sasakyan kung kanino ito nakarehistro.

Sa madaling salita mga kababayan, ang naisip na polisiyang ito ay nagpadali sa paghuli ng mga sasakyang lumalabag sa batas trapiko kahit na hindi aktuwal na nahuli ng isang nagpapatupad ng batas trapiko gaya ng traffic enforcer.

Isa umano itong paraan para madisiplina ang mga motorista kahit na walang mga traffic enforcer sa paligid. Ibig sabihin, mababawasan umano ang mga pasaway. Mas ginamit din itong dahilan ngayong pandemya para manghuli ng mga motorista upang maiwasan umano ang pagkalat ng COVID-19.

Kaya naman ipinatupad ito ng iba’t ibang lokal na gobyerno dito sa Metro Manila gaya ng Quezon City, Valenzuela, Paranaque at Lungsod ng Maynila. Dahil ika nga, maganda sa pandinig ang NCTA.

Pero hindi ito ang nararanasan ng mga motorista lalo na ang mga operator ng mga PUV.

Sa naging panayam natin kay Atty. Ariel Inton na tatakbong konsehal sa Quezon City sa Meet the Press ng National Press Club sa Radyo Pilipinas nitong Linggo, ipinaliwanag niya ang perwisyong dulot nito sa mga motorista. At kung susumahin ay isang malaking negosyo ang kanilang ginawa.

Unang-una at hindi natin maintindihan kung paano ang Land Transportation Office (LTO) na isang pambansang ahensiya ay nagpailalim sa kapangyarihan ng mga local government sa kanilang mga city ordinances? Sa magkano, err, sa ano kayang malaking dahilan?

Dahil kailangan munang magbayad ng mga may violations sa NCTA bago nila marehistro ang kanilang mga sasakyan. Ibig sabihin nakahostage ang mga sasakyan ng mga ito sa mga violation na sinasabi na wala naman silang kasalanan.

Halimbawa, ang isang operator ng taxi o di kaya’y Grab o dyip o bus, ang kaniyang driver ay nagkaroon ng violation na nahuli sa kamera, kailangang bayaran ng operator ang violation ng kaniyang driver. At madalas, magugulat na lamang ang operator sa laki ng kanyang babayaran.

Sa ganitong sistema, hindi madidisiplina ang mga driver na ito dahil alam nila, iba ang magbabayad sa kanilang violations.

Taliwas ito sa ibibebentang ideya ng NCTA na madidisiplina umano ang mga pasaway na driver.

Sa madaling salita mga kabayan, ang kasalanan ni Pedro ay si Juan ang magbabayad. Hindi ito makatarungan dahil kung wala namang kamalay-malay ang mga may-ari ng sasakyan sa pagiging “barumbado” sa kalsada ng kanilang mga driver.

Kahit na sila ang operator, hindi sila ang nagmamaneho ng sasakyan na ito. Bakit sila ang kailangang gipitin sa maling sistemang ito?

Ano ba ang pakialam ng LTO sa bukod na kasunduan ng mga LGUs at pribadong operator nitong NCTA? Bakit sila ang ‘hostage-taker’ para lang magkapitsa ang mga LGUs at ang kanilang kasosyong kontraktor? Talaga bang ligal ang “triad” nilang ito?

Hindi ba nalalabag ang karapatan ng mga vehicle owners sa sistemang ito?

Maling-mali dahil unang-una, dahil hindi aktuwal na nahuli ang nagmamaneho ng sasakyan at umaasa lamang sa mga kamera.

Hindi ang nagmamaneho ang nahuhuli kundi ang may-ari ng sasakyan. Bilang driver hindi mo rin mailalaban kaagad ang iyong sarili dahil hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay tama ang ginagawang violation laban sa iyo.

Isa pa, hindi agaran na nakakarating ang mga traffic violations na ito sa may-ari ng sasakyan kaya nagugulat na lamang sila pagdating sa LTO para magparehistro.

May kakilala tayo na sila pa mismo ang kailangang magbayad ng printing ng kanilang babayaran.

Kaya naman isang malaking negosyo na pinagkakakitaan ang ganitong uri ng sistema ng lokal na gobyerno. Isa itong scam at isang kaayusan na hindi malayong nagkaroon ng “ayusan.”

Aber, gusto ba nating maniwala na nang ipasa ng mga lokal na konseho ang ordinansa na pumabor sa mga pribadong kontraktor, “for love of country” lang ang dahilan?

Ganyan din sa LTO, hindi ba mga kabayan? Paano sila “nakumbinsi” na “magpailalim” sa mga LGUs at magsilbing “maton” para mabayaran ng mga multa kung walang “malaking dahilan,” sige nga?!

Kaya tanong natin muli bakit pumayag ang LTO na magpailalim sa mga local government na ito? Ano ang naging “laman” ng kasunduan at rationale kung bakit ang isang pambansang ahensiya ay pumayag magpailalim sa mga LGUs?

Isang malaking perwisyo ito sa publiko. Kaya sana naman makarating ito sa mas mataas na kinauukulan para maimbestigahan.

Dahil hindi tayo naniniwala na ito ay para sa kabutihan ng mga motorista kundi isang sistemang maaaring pagkakitaan ng iilan. Any reaction, Sen. Dick Gordon?

LTO, as in, LTO— na naman— ang isa sa sablay dito.

Abangan!

AUTHOR PROFILE