Angel Locsin

Angel, ‘di totoong buntis o hiwalay kay Neil

September 10, 2023 Vinia Vivar 497 views

Sinagot ni Ogie Diaz ang mga tanong ng netizens sa kanya kung nasaan na nga ba si Angel Locsin na matagal nang hindi nakikita sa kahit anong proyekto, showbiz gathering o kahit sa social media.

Dati nga naman kasi, kahit walang proyekto si Angel ay napakaaktibo naman niya sa social media at nagbibigay ng update sa fans.

Pero medyo matagal-tagal na nga siyang nananahimik at kahit sa post ng mister niyang si Neil Arce ay hindi rin siya nakikita.

May mga nagtatanong tuloy kung hiwalay na ba ang mag-asawa.

Ayon kay Ogie, nasa bahay lang si Angel at ini-enjoy ang tahimik na buhay.

“Si Angel Locsin po ay nasa bahay. At ini-enjoy ni Angel Locsin ang kanyang absence sa social media,” sey ni Ogie sa kanyang vlog.

“Ayaw niya munang mag-social media,” dagdag pa niya.

Hindi rin daw totoong hiwalay na si Angel at ang mister niyang si Neil.

“Sila pa rin ni Neil Arce. Hindi ngayon at hindi na nagpo-post si Neil, eh, hindi na sila. Sila pa rin po,” paglilinaw ni Ogie.

Sa ngayon ay ini-enjoy daw ni Angel ang pagiging maybahay kay Neil.

“Siyempre, gumagalaw pa rin ng cellphone si Angel. Naaliw siya sa mga game,” pagbabahagi pa ng talent manager/vlogger.

“Eh, ibigay natin kay Angel Locsin ‘yun. ‘Yun ang gusto niya, eh,” sambit pa ni Ogie.

Hindi rin daw totoong buntis ang aktres at hindi naman dahil sa ayaw ng mag-asawa.

“Kung mabubuntis, eh, di go. Kung hindi, hindi pa panahon,” ani Ogie.

Tungkol sa tanong kung nagpapakundisyon ba ng kanyang katawan si Angel, ani Ogie, “Sabi ng aking source ay ganu’n pa rin naman. Basta happy si Angel Locsin na siya ay maybahay o taong-bahay. Ini-enjoy na ‘yun.”

Nu’ng kabataan naman daw kasi ni Angel ay bugbog na bugbog ito sa trabaho kaya hayaan na muna natin kung gusto niyang magpahinga at deserved naman ito ng aktres.

AUTHOR PROFILE