
AMOK!
Hipag, pamangkin binangag ng tubo, pulis binaril
SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Patay ang isang lalaking nag-amok at binangag ng tubo ang kanyang hipag at pamangkin sa ulo, matapos nitong putukan ng baril sa dibdib ang rumespondeng pulis na nakasuot ng bulletproof vest sa isang armadong engkuwentro nitong Sabado ng gabi dito.
Kinilala ang suspek na si alyas Ponyong, 28, ng Purok 2, Barangay Sto. Cristo ng bayang ito.
“Nag-amok itong suspek, binangag ng tubo ang kanyang hipag at pamangkin. Sinasabing sakit daw ng ulo ito sa kanila dahil sa epekto daw ng droga,” sinabi ng hepe ng pulisya sa bayan na si Major Rommel Nabong sa Journal Group.
Aniya, rumesponde ang kanyang mga tauhan sa insidente ng pananakit sa nasabing lugar, kung saan binangag umano ng suspek ang kanyang dalawang kamag-anak ng tubo sa ulo. Sila’y dinala sa San Antonio District Hospital para magamot.
Pagdating ng kanyang mga tauhan, agad na tumakbo ang suspek sa loob ng bahay ng isang Rosalinda Cunanan at nagtago sa loob ng comfort room.
Sinabi ni Nabong na tinugis ng isa niyang tauhan na si SSgt. Bernald Javier ang suspek at binuksan ang pintuan ng banyo ngunit pinaputukan agad ito ng suspek at tinamaan sa dibdib.
Gumanti ng putok si Javier, na nakasuot ng bulletproof vest, at tinamaan ang suspek na naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang kalibre 45 na pistola ng suspek na walang serial number, isang kitchen knife at isang basyo ng bala ng cal.9mm pistol.