Tulfo

Ambassador nagpasalamat sa tulong ng OFWs sa Singapore

December 12, 2023 PS Jun M. Sarmiento 441 views

NAG-COURTESY call si Singapore Ambassador to the Philippines Constance See kay Sen. Raffy Tulfo sa Senado at pinasalamatan ang senador dahil sa malaking ambag ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Singapore.

Ikinatuwa rin ni Sen. Idol nang malaman na mayroong ipinapatupad na Labor Management Framework sa Singapore kung saan regular na binibisita isa isa ng labor officer nila doon ang migrant workers para kumustahin at siguruhin na hindi minamaltrato ng mga amo.

Lalong natuwa si Sen. Tulfo nang sabihin ni Ambassador See na mayroon silang batas sa Singapore kung saan isa’t kalahati na higit kaysa sa regular na parusa ang ipinapataw sa sinumang mapapatunayang nagmaltrato o lumabag sa karapatang pantao ng mga contract workers doon.

Maliban dito, binanggit rin ni Ambassador See na required sa kanilang batas na isabak ang employer sa seminar at training bago mag-hire ng migrant workers.

Ito ang isang bagay na matagal nang itinutulak ni Sen. Tulfo na mangyari sa ibang lugar na tumatanggap ng OFWs tulad ng Middle East kung saan mataas ang record ng pang-aabuso sa manggagawang Pinoy.

Binigyang diin ni Sen. Tulfo na maituturing na model country ang Singapore na dapat pamarisan ng ibang bansa.

Dagdag pa niya, kung naipapatupad ang mga ganitong batas at polisiya sa Singapore hindi imposibleng ipatupad din sa ibang lugar kung saan may mga OFWs.