Default Thumbnail

Abalos inutos na imbestigahan Datu Montawal mayor ambush

February 25, 2023 Jun I. Legaspi 216 views

MARIING inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na masusing imbestigahan ang naganap na pananambang kay Mayor Ohto Montawal ng Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur, sa Lungsod ng Pasay Miyerkules, Pebrero 22, ilang araw lamang matapos ang pagpaslang sa isa pang opisyal.

Sa kabutihang palad ay nadala agad sa ospital ang alkalde at nasa maayos na kalagayan sa sumandaling ito.

“Hangad natin na agarang manumbalik ang lakas ni Mayor Montawal upang makuhanan siya ng pahayag tungkol sa nangyaring insidente,” ani Abalos

Samantala, nakatutok ngayon ang PNP Station Special Investigation Team o SSIT “Montawal” upang tugisin ang mga salaring responsable sa pananambang at alamin ang posibleng motibo ng mga suspek.

“Ilang testigo na ang lumutang upang ilahad ang kanilang nasaksihan. Asahan po ninyong hindi titigil ang PNP hanggang hindi nasusukol ang mga suspek,” ayon kay Abalos.

Iniutos rin ni Abalos sa PNP na mahigpit na bantayan at dagdagan ang seguridad para sa Datu Montawal mayor upang siguruhin ang kanyang kaligtasan mula sa anumang pagtatangka.

“Patuloy kaming magbibigay ng updates sa mga ginagawang hakbang ng ating kapulisan tungkol dito. Makakaasa kayo na ginagawa ng PNP ang lahat para tukuyin at hulihin ang mga suspek at matuldukan ang kasong ito,” pagtatapos ng DILG chief.

AUTHOR PROFILE