Default Thumbnail

Abalos: Ibigay sa mga senior mga benepisyong inilaan ng batas

March 31, 2023 Jun I. Legaspi 277 views

PINAALALAHANAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang mga pamahalaang lokal na tiyaking naibibigay sa mga senior citizen ang lahat ng mga benepisyong inilaan sa kanila alinsunod sa batas.

“Nagampanan na ng ating mga senior citizen ang kanilang mga tungkulin bilang mga mamamayan ng bansa. Ngayong matatanda na sila, ibalik naman natin sa kanila ang mga benepisyo na binibigay ng batas para maramdaman nila na mahalaga silang kasapi ng lipunan,” ani Abalos.

Sinabi ni Abalos na ayon sa Republic Act (RA) 7432 o Senior Citizens Act na inamyendahan ng RA 9257 at RA 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act, nararapat bigyan ng mga kaukulang tulong ng gobyerno ang mga senior citizen para sa trabaho, edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, pabahay, pampublikong sasakyan, pati na mga karagdagang tulong kagaya ng social pension at mandatory Philhealth coverage.

Aniya, malinaw sa batas na bibigyan ang mga senior citizens ng 20% na diskwento o exemption mula sa value added tax para sa goods and services tulad ng gamot, influenza at pneumococcal vaccines, professional fees ng mga doktor sa mga ospital at iba pang medical facilities at medical and dental services ayon sa mga patakaran ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

May kaukulang 20% diskwento rin sa pamasahe para sa mga pampublikong sasakyan maging sa mga eroplano at barko, bayad sa mga sine, concert at iba pa, at funeral and burial services para sa namatay na senior citizen.

Dagdag ni Abalos, mayroon ding karagdagang 5% diskuwento ang mga senior citizens sa bayarin sa kuryente at tubig, basta ang mga ito ay nakapangalan sa kanila at ‘di lalampas sa 100 kilowatt hours ng kuryente at 30 cubic meters naman sa tubig ang nakunsumo.

Nilinaw rin niya na ayon sa batas, kailangan lamang magpresenta ang mga senior citizens ng alin man sa mga sumusunod para matanggap ang mga benepisyo at pribilehiyo ayon sa batas — identification card mula sa Office of the Senior Citizens Affairs, passport, o iba pang dokumento na nagpapakita na siya ay 60 anyos pataas na.

Sa kanyang Memorandum Circular 2023-045, sinabi ni Abalos kung sakaling magbibigay ng additional benefits ang mga LGU sa mga senior citizen sa kanilang sinasakupan, hindi kinakailangang humingi pa ng additional requirements bilang patunay na sila ay residente ng local government unit (LGU) bukod sa alin man sa sumusunod: barangay certification, contract of lease, proof of billing o valid government ID.

“Hindi rin kailangang rehistradong botante ang senior citizens bago siya makatanggap ng benepisyo na ibibigay ng LGUs. Hindi po requirement iyon,” aniya.

Maliban sa mga discount, sinabi din ni Abalos na exempted din sa pagbabayad ng buwis ang mga senior citizens na minimum wage earners ayon sa RA 9504.

Sa mga pangangailangan ng kalusugan, pinaalalahan din ni Abalos ang mga pamahalaang lokal na bigyan ang mga senior citizen ng libreng serbisyo sa kalusugan at ngipin, at laboratories sa lahat ng mga pampublikong pasilidad ayon na rin sa mga patakaran ng DOH at PhilHealth.

Ang mga indigent na senior citizen ay may libre ring bakuna laban sa trangkaso at pneumonia.

“Tutulong ang DILG at ang mga pamahalaang lokal para masiguro na tuloy-tuloy ang mga mga benepisyo at pribilehiyong ipinagkakaloob ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS) at Pag-IBIG sa mga nagtatrabaho pang mga senior citizen hanggang kaya pa ng pondo ng gobyerno,” saad ni Abalos.

Sa mga senior citizen naman na nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, maaari rin silang bigyan ng tulong edukasyon para sa mga kursong bokasyunal o panandaliang kurso sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship, grant, tulong pinansiyal, subsidy at iba pang mga insentibo tulad ng tulong pambili ng libro, mga materyales sa pag-aaral, at uniporme basta pasado ang senior citizen sa mga kinakailangan sa pagpasok.

Upang mapagaan ang kanilang pang-araw-araw na buhay, sinabi rin ni Abalos na kailangang siguruhin ng mga LGU na magtalaga ng express lanes para sa mga senior citizen sa mga pribado at pampublikong establisimyento, at kung wala nito, bibigyan sila ng prayoridad sa serbisyo.

AUTHOR PROFILE