Default Thumbnail

Kuwento ng hindi sikat

September 14, 2022 Allan L. Encarnacion 527 views

Allan EncarnacionMAAGA kong natupad ang maraming bagay na hindi ko naman pinangarap mula sa pagkabata.

Mababaw lang naman ang iyong mga tagumpay noong iyong kamusmusan. Bilang lalaki, una ay ang matuli ka, matuto kang magbisikleta at matuto kang lumangoy.

Kapag medyo nagbibinata ka na, hindi ka na kuntentong marunong ka lang magbisikleta, gusto mo na ring matutong magmaneho kahit jeep man lang. Iyong pagmomotor ang hindi nakasama sa aking bokabularyo mula pa pagkabata dahil delikado ang tingin ko doon noon pa man.

Sa pagiging pakialamero sa Ford Fiera na pang-deliver ng pintuang kahoy noong dekada 80, natutong magmaneho nang konti kahit kamuntik nang makasuyod ng mga karinderya sa kalsada. Palagi kong naririnig na magandang matutong magmaneho ang isang lalaki para hindi magutom ang kanyang pamilya.

Iyong makatapos ng pag-aaral, kasama naman palagi sa iyong pangarap pero kapag bata ka pa, maraming sagabal para hindi mo ito magawa. Kaya nga kapag natangay ka ng mga istorbo sa pag-aaral gaya ng barkada, bisyo, maagang pag-aasawa, yari na agad dahil mas malaki ang tiyansang hindi makatapos.

Sa pagtitiyaga at sa awa ng Diyos, nakatapos naman ng elementarya, nakapag-graduate sa high school na pasado rin sa NCEE at nakaderetsong nakapagtapos sa kolehiyo.

Iyon na ang kumumpleto sa iyong kabuuan dahil nakatapos ka sa pag-aaral, nagawa mo lahat ang mga dapat mong nagawa noong iyong kabataan.

Mapalad lang ako sa aking kabataan dahil kahit marami akong kaibigan na maagang nagdroga, maagang naging lasenggo, adik sa yosi at valedictorian sa bulakbol, hindi ko lahat ito dinaanan dahil nakapokus talaga ako sa pag-aaral kahit puro palakol ang grado. Talagang bahay-paaralan lang araw-araw ang ruta ko, walang biglang liko kung saan-saan. Pagkarinig ng bell, uwi agad!

Isa lang ang pangako na itinaga ko sa bato, iinom ako ng beer sa gabi ng college graduation ko na nangyari naman nang matapos ang seremonya sa PICC noong Abril 4, 1990.

Iyon lang, pagka-graduate sa college, bigla naman akong nag-asawa. Nagsisimula pa lang ang professional career ko, bigla kang makakasal! Alam mo n’yo naman, lahing pikutin! Talaga nga naman. Wala sa plano pero nangyari.

Gapang sa simula ng pag-aasawa dahil kailangang kumayod at huwag umasa sa magulang. Dapat panindigan ang pag-aasawa para hindi maging pabigat sa mga magulang.

Lahat naman ay nakukuha sa tiyaga, pagsisikap at determinasyong makatawid ka sa bagong mundo ng may asawa na iyong dinatnan mula sa pagkabinata. Hindi madali pero kailangang kayanin.

Sa edad na 27, nakapagpatayo naman ako ng sarili naming bahay bagama’t bungalow type sa isang 240 sq. m., maayos naman hanggag makalipas ang 12 years, nakalipat na kami sa mas maayos-ayos na bahay na 13 years naman kami naninirahan.

Nakatapos na ang dalawang kong anak na barako at pareho naman silang nasa maayos na sitwasyon.

Teka nga muna, bakit ko na isinalaysay ang buhay ko gayong hindi naman ako kilalang tao? Tama rin naman.

Pero hindi naman ako iyong bida rito, ang gusto ko lang ay ibahagi sa maraming kabataan na maaring nawawalan na ng pag-asa, maaaring naliligaw ng landas, maaaring nagpapabaya sa pag-aaral at nagpokus na lang sa pagbibisyo. Baka naman may mapulot kayo sa kuwentong ito, sayang din, wala namang bayad ang mangopya ng diskarte sa buhay.

Tanong, may sikreto ba ang anumang tagumpay? Maaring wala sa iba pero para sa akin, iyong malinaw na kaisipang makatawid sa lahat ng pagsubok sa buhay at huwag basta masisiraang ng loob, malaking bagay iyon.

Kung may sikreto man, maaring iyong maging malapit ka sa Panginoon, mapagmahal at magalang ka sa iyong mga magulang, mahalin ang mga kapatid at huwag mo silang kalimutang isama sa iyong mga plano para mas madali kang magtagumpay.

Huwag susuko, laban lang.

[email protected]