
Historyador ng Lipunan
SINABI ni Bruce Van Sledright na ang pagtuturo ng kasaysayan ay kumplikadong gawain. Batay sa mga pagsasaliksik na inumpisahan noon 1980 sa Inglatera at Amerika, lumalabas na mas mahirap matutuhan at maintindihan ang kasaysayan kesa sa dating palagay na ito ay isang madaling proseso ng dahan-dahang pagdadagdag ng mga kwento na nakapalibot sa mga petsa, pangalan, detalye at pangyayari na kakabisaduhin lamang. Nakakabagot ang lumang pamamaraang ito at nagpababa sa pagtingin ng mag-aaral sa halaga ng pag-aaral ng kasaysayan.
Ang History ay isang disiplina na kailangan gamitan ng pagpapakahulugan kaya’t ito ay mas malapit sa Humanities kesa sa Social Sciences sapagkat hindi maaaring magdaos ng mga kontroladong experiment para idaos muli ang naganap na pangyayari at pagkaraan ay pag aralan ang naging epekto nito sa mga estudyante. Hindi rin maaaring maglakbay sa nakaraan upang masaksihan ng estudyante mismo ang pangyayari. At kahit na may posibilidad na mag- time travel, kakailanganin pa rin na bigyan ng kahulugan ang nasaksihan. Dahil dito, ang pagbabalik tanaw ay hindi direkta at kailangan suriin ang mga naiwanang gamit, kasangkapan, sandata at mga latak ng mga taong naging bahagi ng kasaysayan. Dalawang klase ang mga ebidensya o resibo ng kasaysayan: ang pangunahin ebidensya ang mga gamit mismo ng taong gumanap sa pangyayari tulad ng talambuhay, liham, talaan opisyal, diyaryo, litrato at larawan, at mga pagsasaysay ng mga tagapangalaga ng kasaysayan; sekondaryang ebidensya ang mga kwento ng mga taong wala sa pangyayari subalit sinuri ang mga pangunahing resibo ng kasaysayan, at pinagtagni-tagni ang mga ito para makabuo ng kahulugan.
Ang debate ngayon ay kung ano ang isang makasaysayang pangyayari. Sa Amerika, ang gusto lang itampok ng mga historyador ay mga tagumpay ng Estados Unidos sa larangan ng politika, ekonomiya , at ng sandatahang lakas. Subalit noon 1960s , sumibol ang bagong henerasyon ng mga iskolar ng kasaysayan at binago nila ang kahulugan ng “historical significance” bilang isang “history from the bottom up”. Sila ay tinaguriang mga historyador ng lipunan at ang pokus ng kasaysayan ay panglahatan dahil ito ay multi-kultural ang perspektibo. Sinasali nito ang mga pangkat na dati rati’y hindi pansin, pinatahimik at sinadyang hindi binigyan ng espasyo na sabihin ang kanilang patotoo bilang mga aktor ng pangyayari na makakasira sa naratibo ng tagumpay ng Amerika. Kabilang dito ang patotoo ng mga negrong sapilitan inalipin mula Aprika bago sumiklab ang Civil War sa Amerika at kung ano ang nagbago sa kanilang buhay pagkaraan ng 13th Amendment na pinagbawal ang slavery; ang pagkiling ng mga simbahan protestante gamit ang mga talata sa bibliya na pabor sa slavery; ang mga kilusan ng manggagawa at kanilang mga lider; ang kilusan ng mga kababaihan para makaboto na hinarangan ng mga talata ni Pablo na isang “chauvinist” na ayaw bigyan ang babae ng katungkulan sa simbahan, pabor sa slavery at kontra sa pagbatikos at paghihimagsik sa mga may kapangyarihan kahit na hindi pa uso ang demokrasya noon AD 60. Nandiyan din ang mga native American Indians na ginutom at sapilitang pinalayas sa kanilang mga lupain pa-kanluran na kinubkob ng mga puti.
Dahil sa pagbabago ng perspektibo sa kasaysayan, may nabuong teorya kung paano dapat magturo ng kasaysayan: Una, hikayatin ang mga mag-aaral na mag-imbestiga para magamit ang dati na nilang alam, kahit na gaano pa ito kapiranggot, at mga tinatangkilik na palagay tungkol sa nakaraan at itapat sa mga pangunahin at sekondaryang ebidensiya; Pangalawa, bigyan pansin ang proseso ng pag iimbestiga para hindi malinlang ng maling datos at kasinungalingan; Pangatlo, ang pagbuo ng ‘historical thinking ‘ ay nangangailangan ng pagkakataon na maharap ng estudyante ang mga resibo ng kasaysayan, bunuin ang mga isyu sa interpretasyon ng mga ito, hikayatin magtanong at bumuo ng tanong sa halaga ng pangyayari at ng ebidensya na maaaring makasagot o magbigay duda sa dating naratibo o palagay, at magkaroon ng kamalayan sa konteksto ng pangungusap, o ng pagkakasulat ng laman ng ebidensiya ng kasaysayan.
Mga halimbawang tanong: a. bagamat nauna sa Pilipinas ang mga Imam na nagpalaganap ng Islam sa Pilipinas, bakit hindi nagtagal at nasakop ng mga kastila ang Pilipinas gamit ang krus at espada? b. tama ba ang pananaw na mabalasik at marahas ang mga Kristiyano sa pagpapalaganap ng kanilang pananampalataya kung ikukumpara sa mga Muslim tulad ng nangyari sa Espanya at mga krusada sa Jerusalem? c. Sinisira ba nito ang paniniwala na “war freak jihadists” ang mga muslim at ang mga kristiyano ay mga maamong tupa lang ?
Ang Dep Ed at mga SUCs ay kailangan ng mga historyador ng lipunan at ng hindi maulit ang pagkakamali ng nakaraan, at makalaya sa mga mali at di wastong naratibo at mga palagay.