Eleazar Ex-PNP chief-turned-senatorial candidate Guillermo Lorenzo T. Eleazar

Guillor Eleazar: Lingapin ang PWDs

January 22, 2022 Marlon Purification 126 views

Marlon PurificationKAHIT dinapuan ng COVID-19 mula sa variant ng Omicron, kapakanan pa rin ng ating mga kababayan ang nasa isip ni senatorial aspirant ret. Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

Mabuti’t asymptomatic si Guillor at maayos na ang pakiramdam nito.

Ang nakahahanga sa kanya ay sa halip na intindihin ang sarili para magpalakas agad ay kapakanan ng ating mga kababayan ang palagi niyang iniisip.

Ayon kay Eleazar, napapanahong bisitahin muli ang implementasyon ng Magna Carta for Disabled Persons. Marami pa rin kasing hindi sumusunod rito para lingapin ang kapakanan ng mga Persons With Disabilities (PWDs).

Inihalimbawa ni Eleazar ang lumabas na ritrato sa social media kung saan ay binubuhat ng dalawang security guards ang wheelchair ng isang PWDs paakyat sa LRT Recto station nang masira ang elevator.

Nakaantig aniya ang mga sitwasyong ito at nakahahanga naman ang ginawang kabayanihan ng dalawang guwardiya ng LRT.

“Maaaring maliit na bagay ito sa iba pero para sa ating mga kababayan na PWD, malaking ginhawa ang dulot nito sa kanila kung lahat lang sana ng mga establisyimento ay may maayos na pasilidad para sa kanila,” ani Eleazar.

Tama nga ang sabi ng beteranong mamamahayag na si Non Alquitran na hindi na kailangang i-memorize ‘yan!

Sinabi ni Eleazar na sakaling palaring manalo sa darating na halalan, magsasagawa siya ng mga batas na mag-oobliga sa lahat ng local government units para seryosohin ang pagkakaroon ng PWD friendly facilities hindi lamang sa mga pampublikong establisimento, kundi pati na rin sa mga commercial establishments.

“They should have ramps, handrails, and other necessary signages, among others,” ayon pa sa retired police general.

Si Eleazar ay tumatakbo ngayon sa pagkasenador sa ilalim ng Partido Reporma ng tambalang Ping Lacson at Tito Sotto.

Nais ni Eleazar na magkaroon ng malakas na enforcement ang Republic Act 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons, ang batas na nagbibigay karapatan at pribilehiyo sa mga may kapansanan nating kababayan.

“Kasama sa laban ko sa Senado ang pagsusulong ng mga karapatan at pribilehiyo ng mga PWDs. Hindi natin dapat kinakalimutan ang kanilang kapakanan dahil mahalagang bahagi sila ng ating lipunan,” dagdag pa ni Eleazar.

Sa ganang akin, tama ang plano ni Eleazar na bisitahin ang implementasyon sa batas para sa kapakanan ng PWDs.

Napakagandang batas ang RA 7277. Ang problema lang talaga ay tamang implementasyon o sinserong pagpapatupad nito.

Ang dapat gawin sa mga establisimentong ipinagdadamot ang kapakanan ng mga PWDs ay dapat ipasara o bigyan ng karampatang parusa – government office man iyan o pribadong tanggapan.