
Speaker Romualdez tiniyak: Saklolo sa mangingisda
TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang suporta sa mga mangingisda ng Iloilo upang maprotektahan ang kanilang kabuhayan mula sa banta ng komersyal na pangingisda.
Nakipagpulong ang pinuno ng Kamara sa mga lider at kinatawan ng mga mangingisda sa Sicogon, Carles, Iloilo, matapos dumalo sa groundbreaking ceremony para sa P388-milyong Submarine Cable Interconnection Project na magpapatatag sa suplay ng kuryente sa mahigit 13,000 kabahayan sa lugar.
Ang mga mangingisda ay nakipag-ugnayan kay Speaker Romualdez, sa pamamagitan ni Iloilo 5th District Rep. Boboy Tupas, upang iparating ang kanilang hinaing kaugnay ng desisyon ng Korte Suprema noong Agosto 2024 na nagpapahintulot sa mga commercial fishing vessel na mangisda sa loob ng 15-kilometrong municipal waters, na dati para lamang sa mga maliliit na mangingisda.
“Naiintindihan natin po ang kalagayan ng ating mga fisherfolk. Tama po ang posisyon ninyo, wala akong nakikitang mali. Kaya mataas ang kumpyansa ko na mapapagbigyan tayo. Lahat ng kakayahan ko gagamitin ko (para tulungan kayo) dito sa kaso ninyo, asahan n’yo po,” ayon sa pinuno ng Kamara de Representantes na mayroong 306 na kinatawan.
Sinabi ni Romualdez na ihaharap niya ang kanilang mga hinaing sa Office of the Solicitor General (OSG) upang magamit ang lahat ng legal na hakbang para baligtarin ang desisyon ng Korte Suprema.
“Kakausapin din natin ‘yung abogado natin, ‘yung OSG, kaya siguradong aabot ito sa kinaaukulan. Meritorious naman, at siguro kailangan lang ipaabot natin sa mga mahistrado na ito talaga ang hinaing ng mga mangingisda,” ayon kay Speaker Romualdez.
Sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ilang panukalang batas ang inihain upang amyendahan ang Philippine Fisheries Code, kabilang ang House Bill 6381 na naglalayong magtakda ng 10-km buffer zone lampas sa 15-km municipal waters upang maiwasan ang pagpasok ng mga malalaking sasakyang pangisda sa mga lugar na nakalaan lamang para sa maliliit na mangingisda.
Sa ginanap na dayalogo, ipinahayag ng mga mangingisda ng Iloilo ang kanilang pangamba na ang pagpapahintulot sa komersyal na pangingisda sa municipal waters ay magreresulta sa pagkawala ng kanilang kabuhayan, at kawalan ng kita upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at mapag-aral ang kanilang mga anak.
Nangangamba rin ang mga residente na ang pagpasok ng malalaking komersyal na bangkang pangisda sa municipal waters ay maaaring magdulot ng matinding pinsala sa kalikasan at mauwi sa pagkaubos ng yamang-dagat na mahalaga sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda.
Binigyang-diin ng mga mangingisda sa Iloilo na sumusunod sila sa ipinatutupad na closed fishing season ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang mapanatili ang kanilang kabuhayan at likas na yaman.
Noong Enero ngayong taon, naghain ang Department of Agriculture (DA) ng mosyon sa Korte Suprema upang hilingin ang pagbawi sa naging desisyon nito.