Sotto Dating Senate President Vicente “Tito” Sotto

Pangako ng Alyansa: Suporta sa magsasaka palalakasin

March 8, 2025 Ryan Ponce Pacpaco 166 views

PILI, CAMARINES SUR — Hindi pababayaan ng mga pambato ng ‘Alyansa’ ang mga magsasaka.

Ipinangako ng powerhouse senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na magsusulong pa ng mga polisiya na target palakihin ang kita ng mga magsasaka, palakasın ang ayuda sa sektor ng agrikultura at tiyakin ang suplay ng pagkain at panatilihin ang pag-unlad ng ekonomiya.

Sa ginanap na press conference dito Biyernes, Marso 7, ipinanukala ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto ang sistema kung saan direktang bibilihin ng pamahalaan ang kalahati sa mga produkto ng magsasaka sa presyong paborable sa mga ito.

“Isa sa mga mungkahi natin, bilhin ng gobyerno ang 50 porsiyento sa lahat ng ani ng mga magsasaka sa presyong gusto nila. Maaalis na natin ang 50 porsiyento sa mga middlemen,” paliwanag ni Sotto.

Ipinunto ni Sotto na sa sistemang ito, mababawasan ang impluwensiya ng mga middlemen at madaragdagan ang kita ng mga magbubukid habang magbebenepisyo rin ang mga konsyumer dahil mas bababa ang presyo ng mga produktong ito.

“Malaking tulong sa kanila, malaki ang kita nila, malaki income nila, ang consumer makikinabang,” sey pa ni Sotto.

Nais naman ni reelectionist Senator Francis “Tol” Tolentino na palawakin ang konsepto ng “One Town, One Product” sa regional model na nakapokus sa agrikultura.

Sa ganitong paraan aniya, matitiyak na ang mga produktong agrikultura ay makakarating sa mga lugar na mas nangangailangan ng suplay nito.

Binanggit niya ang diperensiya ng presyo ng mga produkto sa iba’t ibang rehiyon gaya ng “siling labuyo” na P700 kada kilo ang halaga sa Metro Manila, samantalang sa Bicol ay naglalaro lamang sa P150 kada kilo.

“Mayroon po tayong competitive, comparative advantages sa mga ilang produkto natin sa Bicolandia, hindi lang ‘yung siling labuyo, ‘yung ating pili, ‘yung ating maliliit na pinya sa Daet. So, ang naiisip ko po dito ‘yung ating one town, one product concept should be expanded to a regional model to cater to agricultural products,” punto ni Tolentino.

Karagdagang ayudang pinansiyal, research program sa mga magsasaka at pagmodernisa sa mga kagamitan sa pagtatanim ang naisip namang solusyon ni House Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar.

“Ang aking ina, si Senator Cynthia Villar, ang chairman ng committee on agriculture. Mayroon actually siyang suggestion or mayroon siyang ginagawang panukalang batas, in particular to support the poultry and livestock industry because of the effects of ASF (African swine fever),” sabi ni Villar.

“One of the things that she was advocating for as early as two years ago was a first border facility kung saan lahat po dapat na mga baboy na dumadating sa Pilipinas ay dinadala sa facility, doon tine-test bago po sila papasok,” ayon kay Villar.

Aniya, ang pagkaantala sa pag-implementa ng mga pasilidad na ito ay nagpaparami sa mga kaso ng ASF sa buong bansa na nakakaapekto naman sa livestock industry.

“Again, ang pagpapatupad ng ating mga batas at sa pagtulong sa mga magsasaka, siyempre, dapat magbigay ng financial support unang-una iyan,” sabi pa ni Villar.

Binanggit din ni Villar ang tumatandang average age ng mga magsasaka na 56 taong gulang, kaya dapat ma-educate umano ang mga ito para makahikayat ng mga mas bata na magpatuloy sa sektor ng pagsasaka.

“Dapat ‘yung susunod na generation, ituro rin natin ‘yung kahalagahan ng agrikultura, ng farming sa kanila, para mahalin din nila ‘to at sila naman ang magpapatuloy,” sabi pa ni Vilar.

Binubuo rin nina former Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos; Makati Mayor Abby Binay; Senators Imee Marcos, Pia Cayetano, Lito Lapid at Bong Revilla; former Senators Manny Pacquiao at Panfilo “Ping” Lacson; at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo ang ‘Alyansa’ senatorial bets ng administrasyon.

AUTHOR PROFILE