
PAGDAMI NG TRABAHO SA AGRI PINURI NI SFMR
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang 2.6 milyong karagdagang trabaho sa pagsisimula ng 2025 batay sa pinakabagong Labor Force Survey (LFS), na isa umanong patunay sa matibay na pag-usad ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Bilang pinuno ng 306 kinatawan ng Kamara de Representantes, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang malaking pagtaas ng trabaho sa sektor ng agrikultura, na aniya ay malinaw na patunay na epektibo ang mga programa ng gobyerno sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain at pagpapaunlad ng kanayunan.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na bagama’t nakapagbibigay ng pag-asa ang mga tagumpay na ito, kinakailangan ang tuluy-tuloy at pangmatagalang pagsisikap upang matiyak na ang paglago ng trabaho ay inklusibo at matatag sa lahat ng sektor.
Batay sa LFS noong Marso 6 na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), binanggit ni Speaker Romualdez na ang sektor ng agrikultura at panggugubat ang nagtala ng pinakamalaking pagtaas ng trabaho, na may 883,000 bagong hanapbuhay noong Enero.
Sinundan ito ng wholesale at retail trade, kabilang ang pagkumpuni ng mga sasakyan at motorsiklo, na may 850,000 bagong trabaho; accommodation at food service activities na may 533,000 trabaho; at transportasyon at imbakan na may 141,000 trabaho.
“These figures reflect the effectiveness of our policies in expanding employment opportunities. The rising labor force participation rate, now at 63.9 percent from 61.1 percent a year ago, is a sign of economic resilience. More Filipinos are joining the workforce, with a notable increase in youth employment, from 29.7 percent to 31.8 percent,” sabi ni Romualdez.
Sa kabila ng mga positibong pagbabagong ito, kinilala rin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan ng pagiging mapagmatyag.
Ipinunto niya na bagama’t tumaas ang bilang ng mga may trabaho, bahagyang lumaki ang pambansang unemployment rate sa 4.3 porsyento noong Enero, mula sa 3.1 porsyento noong Disyembre, na nakaapekto sa 2.16 milyong Pilipino.
Ang underemployment—ang mga naghahanap ng karagdagang trabaho—ay tumaas din sa 13.3 porsyento (6.47 milyong indibidwal) mula sa 10.9 porsyento noong nakaraang buwan.
“Sa bawat datos, may kwento ng pagsisikap. Nakikita natin ang pagdami ng trabaho, pero may mga kababayan pa rin tayong naghahanap ng mas magandang oportunidad. Hindi ito dahilan para huminto tayo—dapat pa nating palakasin ang ating mga programa upang masiguro na ang trabahong nalilikha ay hindi lamang pansamantala, kundi pangmatagalan,” dagdag pa nito.
Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez na bagama’t lumalakas ang sektor ng agrikultura at serbisyo sa paglikha ng trabaho, nawala naman ang 209,000 trabaho sa sektor ng pagmamanupaktura noong Enero.
Ipinahayag niya ang pangangailangan na palakasin ang kakayahang pang-industriya upang matiyak na ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay balanseng lumilikha ng matatag at de-kalidad na mga trabaho.
Tiniyak ni Speaker Romualdez sa publiko na ang Kongreso ay lubos na nakatuon sa pagpapatupad ng mga hakbang upang suportahan ang paglikha ng trabaho at pagpapalawak ng ekonomiya sa iba’t ibang industriya.
Kabilang sa mga pangunahing prayoridad sa batas na kanyang binanggit ay:
– Pagpapalawak ng access sa pautang para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang makatulong sa paglago ng mga negosyo at paglikha ng mas maraming trabaho.
– Pagbabawas ng mga hadlang sa burukrasya upang makahikayat ng mas maraming pamumuhunan at makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
– Pabilisin ang pagpapatayo ng imprastraktura, partikular sa mga kanayunan, upang pasiglahin ang ekonomiya sa labas ng mga pangunahing sentro ng lungsod.
– Pagpapalakas ng teknikal-bokasyonal na edukasyon at apprenticeship programs upang mabigyan ng kasanayan ang mga manggagawa na kinakailangan ng mga mabilis na lumalagong industriya.
– Paghikayat sa lokal at dayuhang pamumuhunan sa pagmamanupaktura at mga industriyang may mataas na halaga na nag-aalok ng pangmatagalang oportunidad sa karera.
“Hindi sapat na basta magdagdag ng trabaho. Ang kailangan natin ay mga trabahong may seguridad, disenteng kita, at may pag-asang umasenso. Dapat nating pagtuunan ng pansin ang paglikha ng oportunidad na magbibigay ng mas magandang kalidad ng buhay para sa ating mga manggagawa,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Muling tiniyak ng lider ng Leyte na ang gobyerno ay patuloy na magtataguyod ng mga tagumpay sa trabaho habang tinutugunan ang natitirang mga hamon.
Hinimok niya ang matibay na pakikipagtulungan ng mga ahensya ng gobyerno, mga negosyo at mga grupo ng manggagawa upang bumuo ng mga patakaran na makakatulong sa patuloy na paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho.
“Hindi tayo titigil hangga’t ang bawat Pilipino ay may pagkakataong umasenso sa sariling pagsisikap. Ang ating trabaho sa gobyerno ay tiyakin na ang paglakas ng ating ekonomiya ay hindi lamang panandalian, kundi pundasyon ng mas matatag at maliwanag na kinabukasan para sa ating bansa,” saad pa ni Speaker Romualdez.