
Netizens na-impress sa group teaser ng Eleven 11
“ANG cool!” “Ang tindi ng boses.” “Very promising ‘yung visuals.”
Ilan lamang ’yan sa positibong reaksyon ng netizens sa kalalabas na group teaser ng pinakabagong all-girl P-pop group na Eleven 11 ng Mentorque Productions.
“Base sa vibes nila, parang mala-Little Mix o kaya Fifth Harmony type of songs ang mare-release nila,” komento pa ng ilan.
Ang Eleven 11 ay kinabibilangan nina Barbie, Jade, CJ, Ivy, Audrey at Shaggy, pawang edad 20-23.
Nabuo ang grupo mula sa dating noontime show na “Tahanang Pinakamasaya” ng Kapuso network.
Ayon kay Mentorque CEO John Bryan Diamante, ang pangalan ng grupo ay hango sa angel number na 11:11, ang repeated numerical pattern na pinaniniwalaang masuwerte ng maraming tao.
Lucky number nga raw ito kaya naman may mga nagwi-wish pa tuwing nakakakita nito.
Pormal na ipinakilala sa showbiz press ang Eleven 11 sa kick off ng 2025 Barako Fest sa Lipa City, Batangas, kung saan naging bahagi rin sila ng line-up of performers sa pagtatapos ng three-day annual event noong Feb. 15.
Para kina Barbie, Jade, CJ, Ivy, Shaggy at Audrey, isa sa goals nila ay ang i-empower ang mga kababaihan sa pamamagitan ng P-pop.
Sey pa ni Ivy, “We are embracing our authenticity. May kanya-kanya po kaming strength, which is a good thing. Others are so good in singing, others are so good in dancing, others are so good in rapping. I think this is what makes us unique as a group.”
Bago pa maintriga, mabilis na nilinaw ng Eleven 11 na wala sa agenda nila ang makipag-compete sa ibang P-pop groups gaya ng BINI.
Ang focus umano nila ay ang growth ng bawat isa at ang pagse-share ng talent nila sa mas nakakaraming tao.
“Actually, we’re not here to compete po. We’re here for P-pop and we’re just here for our individuality,” giit ni CJ.
Samantala, ayon kay Bryan, maliban sa Eleven 11 ay may iba pang talents na ginu-groom ang Mentorque sa ngayon.
“Mentorque Productions really wants to put out talagang quality talent out there. So, ’yun po… Mentorque will also offer a lot of talents out there. Binibigyan natin ng oportunidad itong mga batang ito dahil alam ko, maraming pangarap ang mga ito,” pagtatapos niya.