
Dimples, Iza o Mylene napipisil ni Teacher Mary para sa filmbio
KINILALA ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), sa pangunguna ng presidente nitong si Dr. Cecilio K. Pedro, ang dedikasyon ng OFW na si Marianne Lourdes Leonor, isang guro na 13 years nang nagtatrabaho sa Hubei Province, China.
Heartwarming at touching ang kwento ni Marianne Lourdes, a.k.a. Teacher Mary, na ikinuwento niya sa press sa katatapos na Pandesal Forum sa 86-year-old Kamuning Bakery Cafe ng kolumnistang si Wilson Lee Flores.
Ipinagdiwang din sa naturang okasyon ang 50th year ng official Fil-China diplomatic relations at tumalakay sa relasyon ng Pilipinas at China sa gitna ng controversial territorial dispute.
Maraming kwento si Teacher Mary tungkol sa pag-i-stay niya sa China at sa pagtuturo niya sa kanyang mga estudyante.
Ibinigay niyang halimbawa ang pagiging homesick paminsan-minsan pero nakakayanan naman sa rami ng blessings na tinatanggap niya.
Nang tanungin kung sino female celebs ang bet niyang gumanap sa karakter niya in case gawing pelikula ang buhay niya, sina Dimples Romana, Iza Calzado at Mylene Dizon ang mga binanggit niya.
Katwiran ni Teacher Mary, “They’re very versatile. I watch their movies, I watch their shows in China. I really admire them.”
Maliban sa tatlo, sikat din umano sa China ang iba pang Pinoy artists tulad ng mga grupong BINI at SB19, sina Lea Salonga, Marcelito Pomoy at KZ Tandingan.
Ang galing daw sa pagkanta ang unang-unang pumapasok sa isip ng mga taga-roon tuwing napag-uusapan ang mga Filipino.