Juday Judy Ann Santos

Judy Ann sa paghingi ng apology ni Ate Vi: ‘Hindi na kailangan’

December 10, 2024 Eugene E. Asis 302 views
Vilma
Vilma Santos

MAGKASAMA sana sina Vilma Santos at Judy Ann Santos sa isang pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival 2024, ang Espantaho ni Chito Rono. Inalok pala ito ni Direk Chito kay Vilma, pero hindi niya ito tinanggap. Yun pala, may isa rin siyang pelikulang gagawin, ang Uninvited kung saan naman kasama niya sina Aga Muhlach at Nadine Lustre sa direksyon ni Dan Villegas.

Parehong napili ang dalawang pelikula para sa MMFF 2024.

Kaya sa halip na magkasama, magkalaban ang dalawang oelikula sa takilya. Ang Espantaho, na isang horror movie ay nasa ilalim ng Quantum Films ni Atty. Joji Alonso, Cineko Productions at Purple Bunny Productions na pag-aari ni Judy Ann.

Ang Uninvited naman ay isang thriller sa ilalim ng Mentorque Productions ni Bryan Dy.

Nanghihinayang si Judy Ann sa pagkakataon na makasama si Ate Vi sa isang pelikula, pero natuwa naman siya nang malaman na ang makakasama niya sa Espantaho ay si Lorna Tolentino. Star-studded din ang Espantaho dahil kasama nina Judy Ann at Lorna T sina Janice de Belen, Chanda Romero, JC Santos, Tommy Abuel, Mon Confiado, Nico Antonio at Eugene Domingo.

Kaya naman ang magkasama sana sa isang pelikula sa MMFF this year ay magiging magkalaban na ngayon sa pagka-best actress sa Gabi ng Parangal.

Ayon kay Juday, nanghihinayang lang talaga siya dahil hindi pa niya nakakasama si Ate Vi sa isang pelikula.

“Well, siyempre, at some point, everybody wants to work with Vilma Santos, like, everybody would want to work with Ms. Nora Aunor.

“Kasi they’re the prime stars of this industry. Pero, you know, naniniwala kasi ako na kung hindi talaga nauukol, hindi talaga na bubukol. So, I get it. It’s totally fine,” pahayag ni Juday sa grand mediacon ng “Espantaho” noong, December 9 sa .

Pero ayon kay Juday, hindi siya nawawalan ng pag-asa. “Probably, naniniwala din naman ako sa sinabi Ate Vi na there’d be another project that’s really meant for us.

“And I’m holding on to that. Kumbaga, naniniwala ako na may isa, mas magandang- magandang proyekto na talagang meant para sa amin,” buong paniniwala ni Juday.

Ito ay dahil matapos tanggihan ni Ate Vi ang napakagandang pagkakataon na makasama si Juday at maidirek muli ng isang Chito Rono(na kilalang kilala sa mga horror movies tulad ng Feng Shui ni Kris Aquino at ng The Healing ni Ate Vi rin), tumawag ang una sa huli.

“Nagkausap kami. She didn’t have to, but nag-apologize pa siya when she congratulated us and Miss LT, Nanay LT, for the movie.

“Parang, ‘Grabe naman ‘tong artista na ‘to, si Vilma Santos na ‘to.’ And nag-explain pa siya. Hindi naman kailangan, wala namang kailangan.

“Nasa isang industriya lang tayo. And it happens. Hindi naman bago yung ganito, di ba? Na wala naman din kami expectation pareho na magiging magkatrabaho kami.

“Pero siyempre, nandu’n yung umaasa ka na at some point matutuloy, ganyan. Pero, then again, ipinagpasa-Diyos na lang namin kung ano yung nararapat, yun yung mangyayari,” paliwanag pa ni Judy Ann.

Sa ngayon, pinag-uusapang maglalaban sa takilya ang Espantaho at Uninvited dahil sa halos parehong tema nito (bagama’t mas thriller ang huli). Mas gusto ng manonood ang tumitili tuwing manonood ng mga pelikula sa MMFF.

AUTHOR PROFILE