Magic4

Dennis bet makipagkasundo kay Marjorie

May 17, 2024 Ian F. Fariñas 273 views

Sa Linggo, May 19, magdiriwang ng 50th birthday si Marjorie Barretto pero wala umanong balak na bumati pa ang dati niyang partner na si Dennis Padilla sa celebrator.

Tinanong ng entertainment press si Dennis tungkol dito sa katatapos na exhibitors screening ng romance drama movie niyang When Magic Hurts, na mapapanood na sa mga sinehan simula May 22.

Sagot ni Dennis, “Well, unang-una, wala akong way saka pangalawa, ‘di ko alam kung tama, ‘di ko alam kung matutuwa, kaya to play safe, quiet na lang.”

Wala na umano silang communication ni Marj mula nang maghiwalay sila noong 10 years old pa lamang si Julia Barretto.

“Siguro hindi nabigyan ng pagkakataon. Ang nangyari, parang ang effort ko nag-concentrate sa pag-reach out sa mga bata. Siguro time heals wounds, meron lang mga wounds na matagal mag-heal,” katwiran ni Dennis.

Nang tanungin kung imposible na ba ang reconciliation sa pagitan nila bilang magkaibigan, aniya, maaaring mangyari ito sa tamang panahon.

“Kasi hindi mo rin masisisi dahil marami ring mga pinagdaanan so maraming masasakit na pinagdaanan. So, siguro ‘pag ang level ng pain malaki, ang time ng healing mas mahaba. Kaya I hope sa totoong buhay magkaroon din ako ng magic,” dugtong ni Dennis.

Pero kung siya raw ang tatanungin, siyempre gusto niyang magkaayos sila ng ina ng kanyang mga anak (Julia, Claudia at Leon).

Diin ng komedyante, “Oo gusto ko naman magkasundo. Kasi senior na ako, 50 na rin siya. Ang bilis ng buhay, ‘di ba? Siguro kailangan namin ng broker. Somebody close to us.”

Kahit papaano, ikinatutuwa ni Dennis ang unti-unti pero positibong pagkakasundo nila ng tatlong anak kay Marj.

Ayon sa kanya, habang nakakaramdam siya na mukhang magkakaroon ng healing, pati ‘yung fans nila, parang nahahawa kaya excited siya sa kung ano pa ang mga pwedeng maganap sa hinaharap.

At dahil pareho silang talent ng Viva, natanong din si Dennis tungkol sa posibilidad ng pagsasama nila ni Julia sa pelikula.

Aniya, “’Pag ini-interview ako, lagi kong sinasabi na sa tagal kong gumaganap na tatay ng mga bida, halos lahat ng bida naging anak ko na, eh, Erich Gonzales, Toni Gonzaga, Sarah Geronimo, halos lahat ng sikat na leading lady, naging anak ko na. Pati leading man, ‘di ba? Sila DJ (Daniel Padilla), naging anak ko na. So, dream come true ‘yon kapag ‘yung anak mo ang naging anak mo sa pelikula. Wala, palagay ko ‘pag nakita kami ng mga manonood, mga ganu’ng scene, katulad nu’ng sa When Magic Hurts, ‘yung kamukha nu’ng eksena namin ni Mutya sa lamesa, ‘yung ganu’n kasimpleng eksena, tatatak ‘yon.”

Pero aniya, nakadepende ito sa desisyon ng Viva big boss na si Vic del Rosario.

“Siyempre ako, maha-happy ako kasi ‘pag gumagawa kayo ng pelikula, ‘pag walang take, pwede kaming makapagkwentuhan. Kahit ‘di ganun kalalim na kwentuhan, kahit ‘yung nasa ibabaw lang, basta magkaroon lang ako ng chance na makausap at makasama si Julia. Kasi the last time ko siyang nakasama, six years ago pa. Kumain lang ‘ata kami sa restaurant. Saka before that, kung magkita kami, mga once a year, minsan once in two years,” dagdag niya.

Ang importante umano sa kanya, eh, ang mag-reach out sa mga anak niya.

“You reach out, you need to reach out,” sey ni Dennis habang nangingilid ang luha. “Wala namang mawawala sa pagkatao ko. Wala namang mawawala sa pagkalalaki ko… okay lang,” giit niya.

Samantala, ang When Magic Hurts ay pinagbibidahan ng Star Magic artists na sina Beaver Magtalas, Maxine Trinidad at Mutya Orquia. May special participation din si Claudine Barretto sa pelikulang kinunan pa sa Atok, Benguet.

AUTHOR PROFILE