
150 bahay naabo, 3 sugatan sa sunog sa LP
TATLO ang sugatan at dalawa ang nawalan ng malay-tao sa sunog na umabo sa may 150 kabahayan Martes ng hapon sa Las Pinas City.
Kabilang sa mga nagtamo ng 1st degree burn sa bahagi ng kanilang mga katawan sina Wenceslao Tolentino, 26, Norlita Tegero, 55, at Jonniel Moya, 24, habang nawalan naman ng ilang minutong ulirat si Rebecca Danilo, 58, at nahilo nang makamdam ng hirap sa paghinga si Angeline Bacus, 22, pawang mga residente ng Elias Aldana, sa naturang lungsod.
Umabot hanggang ika-apat na alarma ang sunog na sumiklab sa hindi pa batid na dahilan dakong ala-1:23 ng hapon sa Kurba, Elias Aldana, bago tuluyang naapula alas-3:22 ng hapon.
Inaalam pa ng mga arson investigators ng Las Pinas Bureu of Fire Protection (BFP) ang kabuuang halaga ng ari-ariang napinsala habang umabot naman sa 170 pamilya na katumbas ng 648-katao ang nawalan ng tirahan.
Pansamantalang nanunuluyan ngayon sa modular tent na nasa covered court ng Brgy. Elias Aldana ang mga nasunugan kung saan sila hinatiran ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng Pamahalaang Lungsod ng Las Pinas na pinangasiwaan ni Vice Mayor April Aguilar.