Juliever

JulieVer, ’di maka-move-on sa bangungot ng Israel

October 14, 2023 Vinia Vivar 269 views

Hindi pa rin makalimutan ng celebrity couple na sina Rayver Cruz at Julie Anne San Jose ang kanilang karanasan nang magtungo sila sa Israel kamakailan.

Matatandaang noong October 2 nang lumipad ang dalawa kasama ang komedyanteng si Boobay sa naturang bansa para sa concert nila for the Filipino community na naka-schedule ng October 7.

Pero hindi na nga nila nagawang makapag-show dahil nang madaling araw ng Oct. 7 ay nagsimula nang bombahin ang bansa.

Sa kanilang guesting sa show ni Boy Abunda nitong Biyernes ay ikinuwento ng dalawa ang kanilang karanasan.

Anila, wala talaga silang naramdaman na indikasyon na magkakaroon ng giyera sa Israel.

“Wala talaga Tito Boy. Pagkalapag pa lang ng Israel, nilibot na po talaga namin agad. Sobrang excited po kami na mag-ikot, to visit different places,” kuwento ni Julie Anne.

Nang maganap ang giyera ay natutulog na nga raw sila at nagulat na lang sila sa hindi inaasahang pangyayari.

“Mabilis po lahat ng pangyayari po talaga. Siyempre, kumbaga, nagpapahinga talaga kami, talagang nagri-recharge kami para makapag-show kami sa gabi. So, ginigising na lang po ako ni Sir Daryl, ‘yung manager ko,” pagre-recall ni Julie Anne.

Sey naman ni Rayver, “Sa akin din, si Boss Vic, hindi nila alam kung papaano nila kami gigisingin, in a way na sasabihin nila sa amin na, ‘Kailangan niyo nang bumangon kasi may giyera na.”

Kahit hindi nila masyadong alam ang nangyayari ay kaagad silang nagtungo sa bomb shelter.

Sa social media na lang nila nalaman ang totoong nangyayari.

“Sa feed ko po kasi may mga nagtu-tweet na fans o mga supporters namin na, ‘Stay safe guys,’ ‘Sana okay lang sila.’ Na-curious kami, bakit anong nangyayari? Totoo ba ‘tong nangyayari?” ani Julie Anne.

“Tapos ‘yun na po naririnig na namin ‘yung mga rocket,” kwento naman ni Rayver.

During those times ay talagang kumapit na lang sila sa Panginoon para panatilihin silang ligtas pati na ang iba pang mga kababayan natin na naroroon.

“Sa totoo lang, Tito Boy, hindi pa rin nawawala sa sistema namin kung ano ang mga nangyari because we were there,” sey pa ni Julie.

“‘Pag nandoon ka, apektado ka na rin sa mga nangyayari, eh, kung kumusta ba ‘yung mga kababayan natin doon, ilan ba ang mga nadamay at kung kumusta ‘yung sitwasyon ng gulo nila?” ani Rayver.

Sabi pa ni Julie Anne, “Sobrang ironic nga, eh, kasi nasa Holy Land kami, and then at the same time, this is all happening. Na-realize namin na, grabe. Hindi namin ma-explain ‘yung feeling pero ito talaga ‘yung time na kailangan na nating magdasal and really have faith.”

Sey naman ng aktor, “Praying talaga pati sa buong Israel, na hoping ka na hanggang du’n lang ‘yon.”

AUTHOR PROFILE