
Francine, ‘wife material’ para kay Seth
Kinulit ng entertainment press sina Francine Diaz at Seth Fedelin sa mediacon/screening ng bago nilang serye sa ABS-CBN na Fractured kung ano na ba talaga ang estado ng kanilang relasyon.
“Ah, happy kami ngayon, sobrang happy kami ngayon,” ang nakangiting sambit lang ni Seth.
Nang matanong naman si Francince, sambit niya, “’Yung sagot po niya (Seth).”
Ang masasabi lang daw nila ay araw-araw nag-i-improve ang kanilang samahan at mas nakikilala nila ang isa’t isa sa pagdaraan ng mga araw.
“Aminin na natin, maging totoo naman tayo. Araw-araw naman po, siguro, nag-i-improve naman po ‘yung samahan namin. Nakikilala ako ni Chin (Francine), nakikilala niya ugali ko, nakikilala ko si Chin, so araw-araw, may progress kami.
“Pero to be honest po, wala pa kami du’n sa iniisip ng marami na ganito-ganito, ganyan-ganyan,” paliwanag ni Seth.
Nasa level na ba siya na nanliligaw o nagpaparamdam kay Francine?
“Wala pa po,” sambit ng aktor. “Bago siya siguro, ang liligawan ko muna, si tita (nanay ni Francine), ‘yun muna,” dagdag pa niya.
Natanong naman si Francine kung paano niya ide-describe si Seth sa buhay niya at sagot ng dalaga, “Ah, I think as of the moment, happiness.”
Nang hingan ng reaksyon si Seth, masaya niyang sabi, “Thank you, napapasaya rin ako ni Chin.”
Asked kung boyfriend/girlfriend material ba ang isa’t isa, “very” sabi ni Francine.
Sagot naman ni Seth, “Wife material yata pwede.”
Siyempre, tuksuhan at kantiyawan ang press sa FranSeth sa sagot ni Seth.
Paliwanag ng aktor, “Kaya ko nasabi ‘yun kasi gusto ko kung paano siya pinalaki ng pamilya niya.”
Samantala, ang Fractured ang pinakabagong serye ng FranSeth matapos ang tagumpay ng Dirty Linen series nila.
Ibang FranSeth naman ang makikita sa bagong serye na kinunan pa sa isla ng Zambales for seven days.
Mas mature ang kanilang roles dito to the point na may murahan scene pa sila na, ayon nga kay Francine, hindi niya akalaing magagawa niya.
The series will be streamed for free beginning September 15 (Friday) on the iWantTFC app or website and iWantTFC’s YouTube channel with new episodes dropping every Friday at 8 p.m.
Kasama rin sa serye sina Kaori Oinuma, Jeremiah Lisbo, Daniela Stranner, Raven Rigor at Sean Tristan.