Malapitan ACTION MAN–Si Mayor Along habang nagtatalumpati sa harap ng mga kinatawan ng mga kompanyang lumahok sa job fairs.

900 nakakuha ng trabaho sa 3 Caloocan job fairs

March 3, 2024 Edd Reyes 98 views

UMABOT sa 900 job hunters ang nakakuha ng trabaho ora mismo sa tatlong magkakasunod na mega job fair na itinaguyod ng Caloocan kasunod ng pagdiriwang ng ika-62 anibersaryo ng lungsod.

Ginanap ang job fairs noong Peb. 16, 22 at 29 kung saan nakamit ang 45 porsiyento job hiring na malayo sa 30 porsiyentong inirerekomenda ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Pinuri ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang magandang resulta ng job fair kasabay ng pagtiyak na mas marami pang oportunidad ang magaganap sa mga susunod na linggo para sa iba pang naghahanap ng trabaho.

“Nagpapasalamat po ako sa ating Public Employment Service Office, sa DOLE at sa mga katuwang nating pribadong kumpanya para sa pagtutulungan upang maging matagumpay ang pagdaraos ng mga mega job fair.

Nakakatuwa po ito dahil kasabay ng pagdiriwang natin ng cityhood anniversary, konkretong epekto sa kabuhayan ng mga Batang Kankaloo naman ang hatid ng mga job fair,” pahayag ni Mayor Along.

Hangarin ng kanyang administrasyon na pagkalooban ng disente at sapat na pagkakakitaan ang lahat ng mga nagnanais na samantalahin ang oportunidad, ayon sa alkalde.

AUTHOR PROFILE