Posas1

67 anyos timbog sa tsekeng talbog

July 23, 2023 Edd Reyes 276 views

NADAKIP ng pulisya ang isa sa tatlo-kataong sangkot sa panlilinlang sa mga negosyante nang ibalik ng bangko sa mga biktima ang tsekeng ibinayad sa kanila ng mga suspek sa Valenzuela City.

Ayon kay P/Col. Salvador Destura, Jr., hepe ng Valenzuela City Police Station, malaking tulong ang kuha ng mga closed circuit television (CCTV) camera sa siyudad para madakip ng mga tauhan ng Station Investigation Unit (SIU) at Detective Management Unit (DMU) Biyernes ng hapon ang suspek na 67 anyos ng Silvestre Ext. Victoria Homes, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang dalawa pang kasabwat na may alyas na “Mylene Alcantara, 53, ang isa. Ang mga kasabawt umano ang nakipag-transaksiyon sa kanilang mga binibiktimang negosyante.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/SSg. Ronald Anicete ng Valenzuela Police SIU na kinuha muna ng dalawang babaing suspek ang tiwala ng kanilang bibiktimahin bago umorder ng kani-kanilang produkto kapalit ng pag-iisyu ng tseke na may dalawang araw na “clearing” sa bangko.

Noong Hulyo 18, umorder ang mga suspek ng 500 sako ng bigas kay Kay Solomon, 34, na ipina-deliver sa isang bodega sa M Gregorio St. Canumay West; 10 split type air conditioner kay Richelda Cerillo, 31; 20 water dispenser at 10 desk fan kay Anna Marie Tapang, 42, na parehong ipina-deliver sa LVT Dry Goods Trading sa 152 Maysan Road, habang 1,500 trays ng itlog naman kay Renante Cruz, 51, na ipinadala sa 92 G. Marcelo St. Brgy. Maysan na pawang binayaran ng tseke.

Pagdating ng clearing, ibinalik ng bangko sa mga biktima ang tseke dahil kakaiba ang pirma at hindi tugma sa tunay na may-ari ng tseke.

Nang tawagan ang issuer, hindi na makontak ang mga ito at sarado na rin ang LVT Dry Goods Trading na pinagdalhan ng produkto nina Cerillo at Tapang.

Natunton ng pulisya sa tulong ang ginawang paglilipat ng mga dineliver na kagamitan sa LVT Dry Goods Trading gamit ang isang multi-cab patungo sa kanyang bodega sa Jupiter St. Victoria Village, Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Nabawi ang 10 split type aircondition na nagkakahalaga ng P174,995.00, 17 water dispensers na may halagang P147,000,00, apat na desk fan na may halagang P5,800 at tatlong water purifiers.

Nakatakdang sampahan ng estafa ang natimbog na estafa suspek.

AUTHOR PROFILE