Suspek Bitbit ng mga operatiba ng Manila Police District ang rape suspek na ama ng tahanan, matapos maaresto sa South Cotabato sa Mindanao. Kuha ni JON-JON C. REYES

6-anyos ‘hinalay’ ng ama, suspek timbog

June 17, 2024 Jonjon Reyes 145 views

NATIMBOG ang isang 47-anyos na haligi ng tahanan sa isinagawang joint operation ng Manila Police District (MPD) Intelligence Group, Regional Intelligence Unit-General Santos, South Cotabato-Philippine National Police (PNP) at Guimbal Municipal Police Station (MPS) sa Iloilo, dahil sa kaso nitong three counts ng panggagahasa sa sarili nitong anak, Biyernes ng hapon sa South Cotabato.

Kinilala ni Police Colonel Orlando Mirando Jr., hepe ng MPD-DIDM, ang suspak na si alyas “Hano” na tubong South Cotabato sa Mindanao at isang most wanted person sa national level sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na may reward na P370,000.

Base sa ulat ng pulisya, bandang 2:30 ng hapon ay nagtungo ang mga kapulisan ng Maynila sa South Cotabato kung saan naglulungga ang suspek sa isang liblib na barangay sa nasabing lugar, matapos inguso ng isang impormante.

Pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Alvin Christopher Baybayan, hepe ng Delpan Police Station 12, kasama ang mga operatiba ng Women and Children Protection Center sa ilalim ni Police Capt. Veronica Apresurado, ang operation matapos makipag-coordinate sa mga kapulisan ng South Cotabato Police Provincial Office, General Santos-PNP at Guimbal MPS sa Iloilo.

Ayon sa report, nagagawa umano ng suspek ang panghahalay sa biktima sa tuwing nalalasing ito at umabot sa tatlong beses ang pangyayari noong 2017, habang ang ina ng biktima ay nasa ibang bansa.

Agad na tinungo ng mga operatiba ng MPD ang lugar bitbit ang warrant of arrest laban sa suspek bunga ng kaso nitong rape sa ilalim ng Article 266-A Par. 1 ng Revised Penal Code na sinusugan ng Republic Act No. 8353, o Anti-Rape Law of 1997.

Ang arrest warrant ay in-issue ni Nelisa Jesusa A. Bacaling, acting presiding judge ng Regional Trial Court sa Guimbal, Iloilo, na may petsang Hunyo 13, 2017, at walang inirekomendang piyansa.

Himas rehas na bakal ngayon ang akusado at nakakulong na sa WCCS-MPD para sa kaukulang disposisyon.

Gayundin, ang mga kaukulang dokumento ay ihahanda ng tanggapan bago ibalik ang nasabing warrant of arrest sa korte sa Iloilo.

AUTHOR PROFILE