Fixer Ang aktwal na kuha ng entrapment operasyon laban sa ‘fixer’ bago ito dinakip. Larawan mula sa LTO-Central Office

5 ‘fixers’ sa LTO Nova timbog

March 29, 2023 Jun I. Legaspi 321 views

DINAKIP ng pinagsanib na puwersa ng Land Transportation Office (LTO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang limang hinihinalang “fixer” sa labas ng LTO Novaliches District Office, Quezon City.

Pinangunahan mismo ni LTO Chief Jay Art Tugade ang operasyon at personal nitong nasaksihan ang pag-aalok ng serbisyo ng mga pinaniniwalaang “fixer” sa labas ng LTO Novaliches.

Kaugnay nito, muling nagbabala si Tugade sa publiko laban sa pagtangkilik sa serbisyo ng mga fixer at mas makabubuti aniyang agad na isumbong ang iligal na gawain ng mga ito.

Iginiit ni Tugade na hindi dapat idinaraan sa “shortcut” ang pagkuha ng driver’s license at ang pagpaparehistro ng sasakyan dahil buhay ang malalagay sa panganib kung hindi susunod sa tamang proseso.

“May ilan po tayong kababayan na pumapayag sa alok ng fixer at nagbabayad ng P10,500 para sa student permit pero hindi dumaan sa mga training at walang alam kahit sa mga simpleng panuntunan at batas-trapko. Napaka-delikado sa aksidente at buwis-buhay ang ganitong uri ng shortcut na dapat po nating iwasan at sawatahin,” diin ni Tugade.

Tiniyak din ng LTO chief ang pagpapatuloy ng nasimulan na nitong mga hakbang para sa full digitalization ng ahensiya sa hangaring mapabilis ang mga transaksyon at mabigyan ng ginhawa sa pagproseso ang publiko.

“Isa ang digitalization ng LTO sa mga hakbang para mapuksa ang korupsyon at ang gawain ng mga fixer bukod pa sa naniniwala kami na magbibigay din ito ng ginhawa sa maraming Pilipino na may transaksyon sa ahensya,” pahayag pa ng LTO chief.

Nauna rito, huli sa akto ang mga umano’y fixer na nakikipagtransaksyon sa mga operatiba na nagpanggap na kukuha ng student permit.

Kasunod ng pagkakadakip sa mga sinasabing fixer ay agad na pinuntahan ni Tugade ang hepe ng LTO Novaliches District Office na binalaan sa kanyang pananagutan dahil sa nagkalat na fixer sa paligid ng kanyang tanggapan.

Binigyang-diin ni Tugade na hindi lamang administratibo kundi maging kriminal na pananagutan ang maaaring kaharapin ng hepe ng LTO Novaliches kung mapatutunayang kasabwat ito ng mga fixer.

“Malaki po ang pananagutan ng hepe ng District Office ng LTO. Bukod sa administrative liability meron ding criminal liability kung mapatunayan na kasabwat siya. Sa punto ng administrative, by having fixers around the office iyan ay gross negligence ng isang hepe ng opisina. So, talagang mayroon tayong command responsibility dito na sinusunod. Rest assured po sa publiko na I will hold my chief of that office accountable doon sa pagkakahuli ng mga fixer sa labas ng kanyang tanggapan,” diin ni Tugade.

Samantala, nasa kustodiya na ng CIDG sa Camp Karingal ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007.

AUTHOR PROFILE