Default Thumbnail

4 na lider ng BIFF, 12 pa sumuko sa Maguindanao

May 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 168 views

APAT na lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at 12 tagasunod ng mga ito ang sumuko sa mga alagad ng batas sa Maguindanao del Sur.

Ito ang kinumpirma ngayong Sabado ni Lt. Col. Michael Glenn Manansala, commanding officer ng Philippine Army’s 6th Infantry (Redskin) Battalion (IB).

Aniya, ang mga rebelde ay boluntaryong nagbalik-loob sa tropa ng pamahalaan upang makapagbagumbuhay sa piling ng kanilang mga pamilya at makatulong sa mga programang pangkapayapaan ng gobyerno sa kanilang mga komunidad.

Hindi naman pinangalanan ang mga nagsisukong BIFF habang patuloy ang negosasyon upang kumbinsihin ang nalalabi pang miyembro ng grupo na magbalik-loob na sa gobyerno.

Kasabay ng pagbabalik-loob, isinurender din ng grupo ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang M653 rifle, isang M16 A1 rifle, isang 60mm mortar, dalawang Garand rifles, dalawang Cal. 30 sniper rifles, isang cal. 50 sniper rifle, dalawang M79 grenade launcher, isang RPG, dalawang cal. 7.62mm sniper rifles, isang M14, at isang bala ng 40mm RPG.

Kaugnay nito, sinabi ni Brig. Gen. Oriel Pangcog, 601st Brigade Commander, na apat sa mga sumurender na BIFF ay lider at 12 ay mga regular na miyembro ng BIFF-Karialan Faction.

Labing-isa (11) naman sa mga nagsipagbalik-loob ay mula sa pagsisikap ng 6IB habang lima naman sa PRO (Police Regional Office) 12.

Samantala, sinabi naman ni Major General Alex Rillera, commander ng Army’s 6th ID at Joint Task Force (JTF) Central Commander, ang pagdagsa ng pagsuko ng BIFF ay resulta ng “whole-of-nation approach” ng gobyerno para isulong ang kapayapaan.

“Ang kanilang pagsuko ay resulta ng magkatuwang na pagsisikap ng militar, lokal na pamahalaan, at kapulisan sa Central at South Central Mindanao,” pahayag ng opisyal.

Sa tala ng 6th ID, sa taong ito, nasa 84 BIFF ang sumuko habang sampu ang na-nuetralisa. Aabot naman sa 60 high-powered firearms, apat na low-powered firearms, at 27 na pampasabog ang isinuko rin sa tropang gobyerno.