Default Thumbnail

4-anyos patay sa sunog

February 16, 2022 Jonjon Reyes 327 views

KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng isang 4-taong gulang na babae makaraang tupukin ng apoy sa sunog sa San Andres Bukid sa Manila.

Ayon kay Jaymat Munon, tiyuhin ng biktima nasa ikalawang palapag sila ng bahay kasama ang 2 pamangkin nang magsimula ang sunog sa mismo nitong bahay sa Crisolita Sr., San Andres Bukid.

Nadamay pa ang may 15 kabahayan kaya daling binitbit ni Munon ang 2 nitong pamangkin palabas ng bahay pero hindi na nabalikan ang biktima na nasa ikatlong palapag dahil sa laki na ng sunog.

“Pag-akyat ko, bumungad ang usok saka ‘yong apoy, ang laki,” ayon kay Munon.

Base sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang 2:45 ng hapon na umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fire out ng dakong 3:30 ng hapon.

Sa imbestigasyon ng Arson Division, habang natutulog ang biktima sa ikatlong palapag ng bahay, nang bigla umanong sumingaw ang kanilang LPG at mabilis itong kumalat.

Sa impormasyong na nakuha kay Bgy. Chairman Jose Abrito, ang mga biktima ay nasunugan din noong Hulyo 2021.

Agad na munang pinatuloy ang mga nasunugan sa multi-purpose hall ng nasabing barangay sa San Andres Bukid, Manila. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE