Default Thumbnail

33 miyembro ng ASG sumuko sa Sulu

April 1, 2023 Zaida I. Delos Reyes 224 views

ISANG panibagong dagok ang nararanasan ngayon ng bandidong grupo ng Abu Sayyaf Group (ASG) matapos na sumuko ang 33 miyembro ng terorista sa tropa ng militar sa lalawigan ng Sulu.

Sinabi ni Major Gen. Ignatius Patrimonio, Commander ng Joint Task Force (JTF) Sulu at 11th Infantry “Alakdan “ Division ang nasabing grupo ng mga bandido ay nagpasyang sumurender sa kanilang himpilan na matatagpuan sa Bgy. Tandu- Bato, Luuk sa lalawigan upang magbagong-buhay umano.

Isinuko din ng mga dating bandido ang limang M1 Garand rifles, limang M16 rifles, tatlong carbine rifles, at isang revolver.

“The surrender of the Abu Sayyaf Group (ASG) members is a result of the continuing peace and security efforts of the 1102Bde since our redeployment in the 2nd District of Sulu last October 24, 2022,” pahayag naman ni Brig. Gen. Giovanni Franza, commander ng 1102nd Infantry Brigade (IB) ng Philippine Army (PA).

Gayunman, hindi naman pinangalanan ang mga nagsisukong bandido para sa kanilang seguridad.

Ang mga nagsisuko ay nakatanggap naman ng bigas, grocery items, at ayudang cash mula sa militar at local government units (LGUs) sa lalawigan.

“Ang inyong pagbabalik ay isang malaking hakbang upang makamit ang inaasam nating kapayapaan at kaunlaran sa probinsya ng Sulu.

Kami sa JTF Sulu ay nandito para tumugon at suportahan kayo sa mga inyong pangangailangan,” pahayag ni Patrimonio.

Kaugnay nito, hinikayat ng opisyal ang nalalabi pang mga ASG na sumuko sa pamahalaan at lumahok sa “reintegration program” ng pamahalaan para makapamuhay ng payapa gayundin para maging produktibong miyembro ng lipunan.

Isinasailalim na sa masusing tactical interrogation ng militar ang mga nagsisukong bandido.