
300 dagdag na pulis ipapadala sa Cotabato City
AABOT sa 300 karagdagang pwersa ng Police Regional Office Bangsamoro at Special Action Force (SAF) ang ide-deploy sa Cotabato City para tumulong sa pagbibigay ng seguridad sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo na ang pagkakapatay sa tatlo katao, kabilang ang dalawang kandidato sa pagka-barangay kagawad, ang pangunahing dahilan sa pagpapadala ng dagdag na pulis sa lugar.
Nagkakabit lang ng campaign posters ang mga biktima nang pagbabarilin ng mga suspek.
Kabilang sa 12 suspects ang isang kandidato sa pagka-barangay chairman at isang pulis, ayon sa mga pulis.
Sinabi ni Fajardo na magmumula sa Reserve Force ng Police Regional Office-Bangsamoro ang mga ipadadalang pulis sa Cotabato City.
Magde-deploy rin ng mga tauhan ang PNP Special Action Force at Philippine Marines sa naturang siyudad.
Nasa Yellow category ang Barangay Rosary Heights 12 habang isinusulat ang balitang. Sa lugar na ito naganap ang pamamaril.