Huli

215 suspek sa krimen huli sa Batangas

February 24, 2024 Jojo C. Magsombol 95 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas–Umabot sa 215 suspek sa iba’t-ibang krimen na ang naaresto sa Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), ayon sa report ni Police Colonel Samson Belmonte, Batangas Provincial Director, kay PBGen. Paul Kenneth Lucas, CALABARZON police regional director.

Layunin ng naturang operasyon ang mapa-igting ang laban kontra kriminalidad, mapababa ang mga insidente ng paglabag sa batas at tutukan ang pagdakip sa mga notoryus na personalidad.

Ayon kay Belmonte, 42 wanted persons ang naaresto sa bisa ng mga warrant of arrests at 12 dito ay tinaguriang most wanted persons (MWP) at 30 naman ay napapabilang sa other wanted persons (OWP).

Sa ibang operasyon, 56 personalidad na sangkot sa ilegal na droga ang arestado at nasa 85 gramo ng shabu at 5 gramo ng marijuana ang nakumpiska na may kabuuang halagang P578,600.

Umabot sa 85 katao ang nahuli dahil sa ilegal na sugal at 3 ang arestado laban sa iligal na pagmamay-ari ng baril na walang tamang dokumento.

“Salamat po sa walang humpay na pagsuporta sa ating kapulisan kung kaya’t naging matagumpay muli ang ating isinagawang SACLEO,” sabi ni Belmonte.

AUTHOR PROFILE