
200 pamilya sa Munti naabo mga bahay sa 5 oras na sunog

MAHIGIT 200 pamilya ang naabo ang bahay sa halos limang oras na sunog na lumamon sa kanilang mga barung-barong noong Linggo sa Muntinlupa City.
Hindi pa alam ang ugat ng sunog na nagmula sa bahay ng pamilya ni Rowena Cantos sa Maria Tigue Compound, Wawa, Brgy. Alabang dakong alas-4:48 ng umaga.
Dakong alas-7:33 nang itaas ang sunog sa ikalawang alarma matapos mahirapan ang mga bumbero ng Muntinlupa City Bureau of Fire Protection (BFP) na makapasok ang masisikip na lugar.
Inilatag na lang ang mga hose papasok sa mga eskinita para mapatay ang apoy. Ayon kay Arson Investigator Acting Chief SFO3 Katherine Apostol, nakontrol ang sunog dakong alas-9:06 ng umaga at tuluyang naapula alas-9:42 ng umaga. Umabot sa P750,000 ang halaga ng mga ari-arian na natupok.
Pumunta sa lugar si Mayor Ruffy Biazon at nagpalipad ng drone para masuri ang lawak ng pinsala ng sunog.
Hiniling ni Brgy. Chairman Tin-tin Abas sa alkalde na mabuksan ang evacuation center sa Pedro Diaz High School dahil hindi kakayanin ang dami ng mga evacuees.
Inaalam pa ng mga arson investigator kung ano ang pinagmulan ng apoy.