John Arcilla

20 artista, pumirma sa Star Magic

July 2, 2021 Ian F. Fariñas 1250 views

AngelinePAPALAKI nga nang papalaki ang pamilya ng Star Magic matapos pumirma ng eksklusibong kontrata sa talent management arm ng ABS-CBN ang may dalawampung artista na kinabibilangan ng seasoned actors, Star Hunt alumnus at Rise Artist Studio kamakailan lamang.

Hindi lamang ang strategic partnership ng Star Magic sa Rise Artists Studio, Star Hunt at iba’t ibang production units ng ABS-CBN ang mas lumawak kundi maging ang pakikipagtulungan nito sa co-managers gaya ng independent managers na si Arnold Vegafria at iba pa.

Ang nasabing malawak na talent pool ay magsasama-sama sa tinawag na “Star Magic Black Pen Day,” isang milestone event para sa Star Magic, sa July 18, 9:30 p.m., sa A2Z at Kapamilya Channel.

Ilan sa malalaking pangalan na kabilang sa bagong Star Magic set of talents ay pinangungunahan nina John Arcilla, Angeline Quinto, Kiko Estrada, Jayda, Marc Solis at Sandino Martin.

Ang mga sumisibol namang pangalan sa roster nito na humarap sa isang virtual press meet ay sina Kiara Takahashi, Tan Roncal, Richard Juan, Ashley del Mundo at marami pang iba.

Gaya ng karaniwan, natural na excited ang mga baguhang Star Magic artists na makatrabaho ang isang gaya ni John na mas kilala bilang “Heneral Luna.”

Gayundin naman ang pakiramdam ng batikan at multi-awarded actor na hindi maitago ang kasiyahan dahil sa wakas, makakatrabaho na rin niya ang mga co-Star Magic artist na maaari niyang turuan ng kanyang kaalaman sa larangan ng pag-arte.

Regular na napapanood si John gabi-gabi sa FPJ’s Ang Probinsyano.

Itinuturing namang “Queen of Teleserye Theme Songs” si Angeline na tunay na pamilya ang turing sa kanyang mga kasamahan sa Star Magic.

Matapos magpahinga nang mawala ng kanyang Mama Bob, malaki pa rin ang pasasalamat ni Angeline ngayong 2021.

Hindi lang siya napapanood sa Kapamilya primetime soap na Huwag Kang Mangamba, balik-eskwela rin siya at abala sa sariling chicken wings business na naging malaking hit noong nakaraang taon.

Kung pamilyar naman ang pangalan ni Marc, ’yan ay dahil 26 years na siya sa showbiz.

Una siyang nakilala sa sikat na youth-oriented comedy variety show na Ang TV at iconic fantasy-family film na Magic Temple.

Dating miyembro rin si Marc ng grupong Koolits kung saan nakasama niya sina Baron Geisler at John Lloyd Cruz.

Sa ngayon, aktibo si Marc bilang isa sa mga miyembro ng Task Force Agila sa FPJ’s Ang Probinsyano.

As for Sandino, isa siya sa mga dapat abangan sa pag-ere ng Kapamilya soap na The Broken Marriage Vow.

AUTHOR PROFILE