Default Thumbnail

2 tirador ng ‘hiram motorsiklo’ tiklo sa Sta. Mesa

February 21, 2023 Jonjon Reyes 382 views

NABAWI ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Sta. Mesa Police Station 8 ang motorsiklo sa dalawang lalaking suspek, makaraang matimbog sa follow-up operation sa Sta. Mesa, Maynila iniulat ng pulisya.

Ang isang suspek ay 36, ng Sta. Mesa at ang kasabwat nito, 40, ay pawang residente ng Sampaloc, Maynila.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Col. Dionnelle Brannon, station commander, nagtungo sa kanyang tanggapan ang isang biktima, ng Araullo Street Sta. Mesa, pasado alas 6:21 ng umaga nitong Martes.

Nagsuplong ito sa istasyon matapos madiskubreng nawawala ang kanyang pulang motorsiklo na Yamaha na unang hiniram ng isa sa suspek at dito ay kanyang ipapaduplikit bago nakawin.

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang istasyon sa pamumuno ni P/Capt. Leonardo So, commander ng Bacood PCP (Police Community Precinct) kasama sina P/Cpl. Joemar Bustillos, P/Cpl. Shamir Lamani, at Pat. Tom Hikilan.

Nasapul sa pag-rebyu ng CCTV (closed-circuit television) camera sa lugar at dito nakalawit ang dalawang suspek.

Narekober naman ang motorsiklo ng biktima at sasampahin pa rin ng kaso ang dalawang suspek ayon sa pulisya.

AUTHOR PROFILE