2 ‘pusher’ sa riles ng Sampaloc kalaboso
DALAWANG pusher ang natiklo ng Manila Police District (MPD) Sampaloc Police Station 4 sa inilatag na anti-drug operation madaling araw ng Martes sa riles ng tren ng PNR (Philippine National Railways), malapit sa panulukan ng G. Tuazon Street sa Sampaloc.
Nahuli sa operasyon ang isang 43-anyos na lalaking suspek na pusher umano at kaanib ng “Bahala Na Gang” (BNG) at isang 46-anyos na babaeng suspek, na nakatira sa Dasmariñas City, Cavite.
Ayon kay Police Lieutenant Col. Wilson Villaruel, commander ng Police Station 4, bandang 12:30 ng madaling araw ng Pebrero 21 nang ikasa ang buy-bust operation sa riles ng tren, sakop ng Barangay 422 Zone 42 sa naturang lugar.
Sa ulat ni P/Maj. Val Valencia, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), dahil na rin sa isang impormante ay natukoy ang talamak na bentahan ng shabu sa buong Sampaloc at ininguso ang pangunahing lalaking suspek.
Dinampot ang suspek matapos magpositibo ang operasyon sa palitan ng droga at marked money.
Narekober sa dalawa ang isang maliit na plastic sachet hanggang sa makasamsam pa ng tatlo pang bulto ng shabu na nasa tatlong gramo at may halagang P68,000.
Ang dalawa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.