Posadas

2 patay sa bagyo

September 3, 2023 Zaida I. Delos Reyes 239 views

DALAWA na ang na-report na namatay dahil sa patuloy na pag-ulan dala ng bagyong Goring at Hanna.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Edgar Posadas, mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Western Visayas ang dalawang namatay.

Aabot din sa 418,000 katao mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang apektado ng masamang panahon.

Ayon sa opisyal, lumampas na sa 418,000 katao ang mga apektado ng combined effects ng dalawang bagyo at habagat.

Katumbas ito ng lampas 114,000 pamilya sa 1,469 barangays sa bansa.

Nasa 21,700 katao o 5,100 pamilya ang nananatili sa 272 evacuation centers habang 30,000 katao naman ang mas piniling manuluyan sa labas ng evacuation centers.

Umabot sa P421,195,721 ang halaga ng pinsala sa agrikultura habang P130,251,200 naman ang halaga ng pinsala sa imprastraktura.

Dalawang munisipalidad sa Western Visayas ang isinailalim sa state of calamity dahil sa laki ng pinsala dulot ng bagyo at habagat.

Nasa 25 kalsada, siyam na tulay ang nasira at hindi na madaanan.

Naapektuhan din ang operasyon ng 98 seaports sa Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas na nagresulta sa pagkansela ng mga biyahe.

Umabot din sa 298 siyudad at munisipalidad ang nagkansela ng klase.

Sa ngayon, umaabot na sa P20,901,428 ang financial na tulong ang naibigay ng gobyerno sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B, 6, CAR at National Capital Region.