Default Thumbnail

2 kawatan ng kable ng PLDT huli sa akto ng mga pulis

April 27, 2023 Edd Reyes 304 views

MAHIGIT P20,000 halaga ng kawad ng Philippine Long Distance Company (PLDT) ang pinagputol-putol at kinulimbat ng dalawang lalaking naaresto Huwebes ng madaling araw sa Malabon City.

Huling-huli sa akto habang pinuputol ng dalawang suspek na kapwa taga-Caloocan City, gamit ang lagareng bakal, ang makapal na kable ng PLDT sa kanto ng Tuazon Road at Araneta Avenue, Bgy. Potrero, na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas ng Malabon Police Station Investigation Unit, dakong alas-2:20 ng madaling araw, habang nagsasagawa ng pagpapatrolya sina P/Cpl. Keno Ornillo at Pat. Fidel Baluyot ng Malabon Police Sub-Station-1, kasama ang mga barangay tanod ng Bgy. Potrero, naaktuhan nila ang dalawa habang magkatuwang na pinuputol ang makapal na kable ng PLDT sa naturang lugar.

Ayon sa kinatawan ng PLDT na si Adonis Palabay, security inspector, umabot sa kabuuang halagang P21,934 ang kableng pinutol ng dalawa na nagresulta rin ng pagka-antala ng kanilang serbisyo sa ilan nilang subscribers sa Bgy. Potrero.

Iprinisinta na ng mga pulis sa Malabon City Prosecutor’s Office ang mga naarestong suspek para isailalim sa inquest proceedings sa kakaharapin nilang kasong paglabag sa RA (Republic Act) 10515 o ang Cable theft.

AUTHOR PROFILE