
2 kawatan, 1 buyer huli sa QC
NABISTO ang pagnanakaw ng tatlong pinaghihinalaang kawatan ng mapansin ng dalagita sa tulong ng kanyang cellphone habang natutulog sa Quezon City noong Huwebes.
Kinasuhan ng pagnanakaw ang mga suspek na sina Jan Richard Panlilio Manatad, 24, at Gohuvic Paguio Dellera, 22; habang paglabag sa ‘anti-fencing law’ ang isinampa kay Primitivo Onora Simo Jr., 33.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 6 Police Station 15, bandang ala-1:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa 17 Area 3, CMLI Compound, Brgy. Bagong Pagasa.
Batay sa imbestiagasyon ni PSMS Jonathan Lugo, pinasok nina Manatad at Dellera ang bahay ni Analie Galicia Relator at tinangay ang black Infinix cellphone na nagkakahalaga ng P8,000.
Pero nagising ang 14-anyos na dalagitang anak ni Relator nang mapansin na wala ng tugtog mula sa kanyang cellphone at doon ay nakita niyang hawak na ito ni Manatad.
Tumakas ang kawatan kasama si Dellera na nasa labas ng bahay at nagsilbing look out.
Nahuli sina Manatad at Dellera sa ikinasang follow up nina PSSg Edwin Reyes Jr at PCpl Darryl Martinez.
Narekober ang ninakaw na cellphone matapos ituga ng mga suspek na ibinenta nila ito kay Simo dahilan upang arestuhin din ito.