Default Thumbnail

2 empleyado ng restobar nang-abuso ng barista, tiklo

April 5, 2023 Melnie Ragasa-limena 631 views

NAHAHARAP sa kasong “rape” ang dalawang empleyado ng isang restobar sa Lungsod Quezon matapos na ireklamo ng katrabahong barista.

Ayon kay P/Lt. Col. Joseph Euje Almaquer, station commander ng Cubao Police Station (PS) 7, ang mga suspek ay ang mismong manager ng restobar at ang cook.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa isang bar sa Bgy. Socorro, Cubao bandang 10:30 ng gabi, Abril 3, 2023, habang natutulog umano ang 22-anyos na biktima sa employees’ quarters matapos makipag-inuman sa mga kasamahan sa trabaho.

Bigla umanong nagising ang biktima ng maramdaman na may nakayakap sa kaniya kasabay ng paghawak umano sa kaniyang hita at pagbulong ng malalaswang salita.

Nakilala umano ng biktima ang suspek na agad na umalis matapos niyang sabihin “Ayoko sa’yo, kasi ‘di ako pumapatol sa tomboy!”

Nang makalabas ang suspek ay nakatulog uli ang biktima hanggang may maramdaman uli siya na humahalik diumano sa kaniyang leeg.

Ayon sa biktima, hindi niya magawang manlaban dahil nakadagan sa kaniya ang suspek.

Sa kabila ng pagpupumiglas ng biktima ay napagsamantalahan siya ng pangalawang suspek.

Kasama ng kaniyang mga kamag-anak ay agad na nagreport ang biktima sa Cubao Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.