Default Thumbnail

2 bata sugatan sa sunog sa Novaliches

May 25, 2023 Melnie Ragasa-limena 285 views

NASUGATAN ang dalawang bata habang lumilikas sa nasusunog nilang bahay sa Novaliches, Quezon City nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) National Capital Region (NCR), itinaas ang unang alarma ng 3:29 ng umaga, Mayo 25, 2023 sa sunog na sumiklab sa 137 Doña Faustino Barangay San Bartolome, Quezon City.

Nakalabas ang mag-anak na nangungupahan sa nasusunog na bahay, at dumaan umano sa bintana sa ikalawang palapag.

Subalit nagtamo ng lapnos at mga sugat ang dalawang menor de edad, isang 16-anyos at 7.

Agad silang dinala sa pagamutan matapos magtamo ng lapnos at sugat sa katawan.

Kuwento ng ina ng mga bata, nagsimula ang apoy sa motorsiklo na ipinasok nila sa bahay dahil umulan noong Miyerkules ng gabi.

“Naamoy ko yung amoy gasolina… pagbukas ko ng pinto, yung motor may apoy na. Inilabas po namin ang motor pero hindi na po kaya kasi lumaki na yung apoy,” ayon sa ina sa isang panayam.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at idineklarang fire out bandang 3:45 ng umaga.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP-Quezon City sa nasabing insidente.