Default Thumbnail

Higit 23K Manilenyo, nakatanggap ng libreng serbisyong medikal

May 25, 2023 Edd Reyes 154 views

SA ilalim ng pamumuno ni Mayor Dr. Honey Lacuna-Pangan, ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay patuloy ang pagsasagawa ng misyong medikal sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo Nieto bilang pag-agapay sa mga mamamayan ng Maynila na nangangailangan ng tulong para sa kanilang problemang pangkalusugan.

Nito lamang Mayo 14, muling nagsagawa ng medical mission ang siyudad sa pamamagitan ng Lingkod Bayan na programa ni Vice Mayor Nieto na tinaguriang “Araw N’yo, Serbisyo Ko” – kung saan nabigyan ng mga serbisyong pangkalusugan at pang-kagalingan tulad ng medical checkup, minor surgery, basic blood at urine lab tests, libreng gamot at salamin sa mata, facial treatment, gupit, at masahe, ang mga residente ng Zone 94 sa Ika-Anim na Distrito ng siyudad.

Nagtala ng 1,559 na benepisyaryo ang ikalabing-anim na misyong medikal sa loob ng unang taon ng panunungkulan nina Lacuna-Pangan at Nieto kaya’t umabot na sa 23,352 ang kabuuang bilang ng nakinabang sa nasabing programa mula noong Hunyo ng nakaraang taon.

Ang mga medical mission na ito ay bahagi ng isang komprehensibong proyektong pangkalusugan ng Pamahalaang Lungsod at tulad ng mga nakaraan, ang pinakahuling misyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor, katulad ng Asenso Manileño, Manila Chinese Action Team, at Raja Sulayman Rotary Club, na nagpadala ng kanilang volunteers.

Dumating din sa isinagawang programang pang-kalusugan ang mga Konsehal mula sa ika-anim na Distrito na sina Councilor Lou Veloso and Councilor Caloy Castañeda.

“Alam ko na napakabigat na suliranin ang pag-aalaga ng ating kalusugan, lalo na sa mga mahihirap. Kaya, kasama ng ating mahal na alkalde ng Lungsod ng Maynila, ipagpatuloy natin ang pagsulong ng mga medical missions na gaya nito,” pahayag ni VM Nieto.

AUTHOR PROFILE