Default Thumbnail

12-anyos minanyak ng ka-live in ng tyahin

June 20, 2021 Edd Reyes 460 views

ARESTADO ang isang 21-anyos na lalaki makaraang halayin umano ang 12-anyos na pamangkin ng kanyang kinakasama sa Valenzuela City.

Kasong panggagahasa ang isinampa ng mga tauhan ng Valenzuela City police nitong Sabado ng hapon laban kay Raymond Rindando, residente ng 141 A. Tongco St. Malinta, matapos ireklamo ng kanyang 32-anyos na kalive-in bunga ng ginawang pagmomolestiya sa 12-anyos niyang pamangkin na itinago lang sa pangalan “Janet”.

Lumabas sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na noong hatinggabi ng Miyerkules, Hunyo 16, 2021, ginapang umano ng suspek at puwersahang hinalay ang biktima habang mahimbing na natutulog sa loob ng silid ng kanyang tiyahin sa Kamagong St., Fortune 6, Brgy. Parada sa naturang lungsod.

Pinagbantaan pa umano ng suspek ang biktima na huwag magsusumbong kahit kanino kung nais pa niyang mabuhay subalit nito lamang araw ng Biyernes, naglakas-loob na si Janet na sabihin sa kanyang tiyahin ang kahalayang ginawa sa kanya ni Rindando.

Dahil dito, kaagad na humingi ng tulong ang tiyahin ng biktima sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek matapos na makipagtipan sa kanyang kalive-in sa harap ng simbahan ng Karuhatan pasado alas-9 ng gabi, araw ng Biyernes.

AUTHOR PROFILE