
11 suspek sa iba’t-ibang kaso tiklo sa NE
CABANATUAN CITY–Tiklo ang apat na suspek sa panghahalay sa syudad na ito at pito pang wanted na personalidad noong Huwebes, ayon sa mga pulis.
Nasakote ang unang suspek na 20-anyos na lalaki, binata, ng Narra 1, Brgy. Bitas.
Sinabi ni Nueva Ecija police chief Col. Richard Caballero na naaresto ang suspek alas-8:15 ng umaga.
Sa ikalawang operasyon, nasakote ng Quezon police ang 19-anyos na magsasaka dahil sa statutory rape.
Sa General Tinio, inaresto ng mga awtoridad ang 27-anyos na construction worker at isang 42-anyos na ice scramble vendor para sa panggagahasa at statutory rape, ayon sa pagkakasunod.
Pitong pang wanted na personalidad ang nahulog sa kamay ng mga pulis sa magkahiwalay na operasyon.
Hinuli ang isang suspek para sa 4 counts ng qualified theft sa Talavera; isa sa pagnanakaw sa Palayan City; isa sa pagbabanta sa Carranglan; isa para sa cyber libel sa Aliaga; isa para sa palsipikasyon ng pampublikong dokumento ng pribadong indibidwal at estafa sa Guimba at isa para sa frustrated homicide sa Carranglan.
Nasa kustodiya na ngayon ng kani-kanilang operating units ang 11 akusado.