11 Anyos hinalay ng amain!

July 17, 2021 Edd Reyes 209 views

NADAKIP ang isang 42 anyos na welder na akusado sa panghahalay sa kanyang stepdaughter nang matunugan ng pulisya na bumalik sa lugar na malapit sa kanyang tirahan Biyernes ng gabi sa Malabon City.

Hindi na nakapalag si Christopher Baltazar, residente ng 6 Bautista St., Brgy. Panghulo nang isilbi sa kanya nina P/SMSgt. Joey Sia at P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section, kasama sina Pat. Leonardo Turla, Jr. at Pat. Floyd Christian Garcia ng 4th MFC, RMFB-NCRPO ang warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Catherine Therese Tagle-Salvador ng Branch 73 sa dalawang bilang na kasong panghahalay matapos matukoy ang kanyang kinaroroonan sa Macanas St. Brgy, Panghulo dakong alas-9 ng gabi.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon Police chief P/Col. Albert Barot, nangyari ang umano’y panghahalay noong Disyembre 2019 at Enero ng nagdaang taon sa bahay ng akusado na noon ay kasalukuyang kinakasama ng ina ng 11-anyos na biktima.

Matapos ang pangalawang ulit na panghahalay sa biktima noong Enero, 2020, pinayagang makauwi ng kanyang ina ang anak sa tunay na ama sa lalawigan ng Laguna, kaya’t nakapagsumbong ang bata sa ginawang panghahalay sa kanya ng amain.

Hindi na nag-aksaya ng panahon ang ama ng bata at kaagad na nagtungo sa bahay ng dating asawa sa Malabon subalit hindi na niya inabutan ang suspek.

Bunga nito’y kinasuhan na ng ama ng bata ang suspek na naging dahilan upang maglabas ng warrant of arrest ang hukuman.

Napabilang sa No. 6 Top Most Wanted Persons ng Malabon City si Baltazar kaya’t nagsagawa ng malawakang pagtugis sa kanya ang pulisya hanggang sa matunton sa kinaroroonang lugar.

AUTHOR PROFILE