Zanjoe

Zanjoe at Ria ikinasal na

March 25, 2024 Vinia Vivar 84 views

Ikinasal na sina Zanjoe Marudo at Ria Atayde sa pamamagitan ng isang intimate civil ceremony.

Ipinost ni Zanjoe kahapon sa Instagram ang mga larawan ng naganap na kasalan at sa kanyang caption ay may date na nakalagay na “03.23.24.”

Ibig sabihin, ikinasal sila nitong nakaraang Sabado kasabay sa pagdiriwang ng ika-32 kaarawan ng anak nina Sylvia Sanchez at Art Atayde.

Sa caption ay tinawag ni Z na “my wife” si Ria.

“03.23.24. Happy Birthday MY WIFE,” ani Z.

Makikita sa larawan na simple lang ang kasuotan ng celebrity couple. Naka-white dress si Ria habang nakasuot naman ng black suit si Z.

Ipinost din ni Zanjoe ang larawan ng kanilang three-layered wedding cake.

Bago ito, nitong nakaraang linggo pa lumutang ang balitang ikakasal na sa huwes ang dalawa nitong weekend at marami ang nagtataka kung bakit hindi nila ito inanunsyo.

Matatandaan na ina-announce nina Ria at Z ang kanilang engagement last Feb. 20.

Kasunod nito ang balitang nagdadalang-tao na ang aktres pero wala naman silang pahayag pa tungkol dito.

Inulan naman ng pagbati mula sa netizens, friends at kapwa-celebrities ang post ni Z about the wedding.

“Uy wife!! Congrats mr & mrs marudo,” ang pagbati ni Angelica Panganiban.

“Cutieeeees!!! So happy for the both of you!!” sey naman ni Jane Oineza.

Mensahe naman kay Z ng sister ni Ria na si Gela Atayde, “Welcome to the family, kuya.”

Sabi naman ni Kyline Alcantara, “congratulations tatayyy and ate @ria”

Bumati rin sina Jake Ejercito, Vina Morales, Eula Valdez, Loisa Andalio, Marco Gumabao, Nikki Valdez, Rei Anicoche-Tan of Beautederm at marami pang iba.

As we write ay wala pang ibang detalye na inilalabas ang bagong-kasal hinggil sa kanilang wedding.

Congratulations, Z and Ria!

AUTHOR PROFILE