
Yorme Isko, nalungkot nang mag-ikot sa Maynila
NAGPAHAYAG ng kalungkutan si dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa nakikita aniya niyang kawalan ng kaayusan, paglala ng krimen, at maruming kapaligiran sa Lungsod ng Maynila.
Binanggit ng dating alkalde ang kanyang hinaing matapos mag-ikot sa buong lungsod makaraang matanggap ang mga reklamo ng Manileños na nagbunsod sa kanya upang muling tumakbo bilang city chief executive.
“Nalulungkot po tayo, nangadugyot ulit ang Maynila ngayon. Ang krimen natin, hindi naman pwedeng itanggi, ang dami na namang holdapan,” pahayag ng dating alkalde kasabay ng pagbanggit sa mga insidente ng panghoholdap sa R-10 at Taft Avenue.
Sinabi pa ni Domagoso na tila nasayang ang pagpupursige niyang mailagay sa ayos at mapagbuti ang Maynila sa panahon ng kanyang panunungkulan dahil bumalik aniyang muli sa kaguluhan ang lungsod. “These are the complaints of our people, kadugyutan, kawalan ng kapanatagan,” dugtong pa niya.
Sinabi pa ni Domagoso na kabilang sa inihayag sa kanya ng mga nakausap niyang mga magulang ang kanilang pag-aalala ngayon sa kaligtasan ng kanilang mga anak na umuuwi ng bahay sa gabi.
Sa panahon aniya ng kanyang panunungkulan, beinte-kuwatro oras ang iniutos niyang pagpapatrulya at regular na paglilinis sa mga lansangan upang tanggalin ang mga ilegal na istraktura at mapanatili ang kapayapaan.
“May awa ang Diyos, sa tulong ng mga taga-Maynila, we will bring back cleanliness and orderliness in the City of Manila,” pagtiyak ng dating alkalde.