Bong

Work-from-home, virtual learning sa sobrang init suportado ni Bong Go

April 21, 2024 People's Journal 81 views

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na suportado niya ang mga adaptive measures upang maprotektahan ang mga manggagawa at mag-aaral laban sa lumalalang init sa bansa, bunsod ng patuloy na El Niño phenomenon.

Binigyang-diin ni Go na mahalagang muling bigyang pansin ang mga setup sa trabaho at edukasyon upang bigyang-prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.

Sa panayam matapos niyang tulungan ang mga displaced worker sa Manaoag, Pangasinan, sinabi ni Go na upang mapangalagaan ang mga manggagawa sa panahon ng matinding init, idiniin niya ang mga proactive na hakbang na dapat isaalang-alang ng Department of Health (DOH) at ng Department of Education ( DepEd).

Binanggit ang flexible working arrangements, nakiusap ang senador sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na magkaroon ng tinatawag na ‘heat breaks’. Dapat aniyang i-explore ang ‘work-from-home’ options at ikonsidera ang kaligtasan ng mga empleyado mula sa mainit na panahon.

Sinabi ni Go na kailangan ang ‘heat breaks,’ lalo sa mga field personnel tulad ng construction workers na direktang exposed sa matinding init sa labas.

“Nakasanayan naman natin ito noong panahon ng pandemya na ‘work-from-home’ tayo. Baka pwedeng i-consider po ito ng ating gobyerno kung sakaling magkaroon tayo ng work from home arrangement kung kailangan.”

Bigyan aniya ng mas mahaba o mas madalas na heat breaks sa isang araw ang mga manggagawa at ang mga may sakit ay bigyan ng leave of absence kapag kailangan.

Bukod dito, itinuro niya ang pagkakaroon ng benepisyo ng PhilHealth para sa mga biktima ng heat stroke.

“At sabi nga ng DOH, may karapatan ang mga manggagawa sa heat breaks. Unahin po natin ang kalusugan ng bawat Pilipino. Lahat naman ang Pilipino ay miyembro ng PhilHealth,” pagtatapos ni Go.

Kamakailan ay sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na karapatan ng mga manggagawa na mag-heat break para maiwasan ang mga sakit na nauugnay sa init.

Ito ay kasunod ng insidente kung saan namatay ang isang 75-anyos na lalaki dahil sa heat stroke sa Ilocos Sur.

Naging malaking alalahanin ang tumataas na antas ng init, kung saan nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang heat index ay maaaring lumampas sa 42°C sa Mayo, partikular sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

AUTHOR PROFILE